Pusong Imortal by Annie Vallano

StorPpy_PusongImortal_PhotoCJ

 

DUMAGUNDONG ang kapaligiran dahil sa isang malakas na halakhak na pinakawalan ni Lord Hakarim. “Alam mo ba ang sinasabi mo, tao? Gusto mong umanib sa grupo naming mga bampira?” Nagngangalit ang kaniyang mga ngipin. Ang mga mata niya’y ‘sing talim ng isang balaraw, nanlilisik… handang pumaslang anomang oras.

“Kahit anong ipagawa mo sa akin, Lord Hakarim, gagawin ko, basta’t gawin mo lang akong isang bampira,” garalgal na sagot ng isang binata—si Damon. Nangangatal ang buo niyang kalamnan. Ang pintig ng kaniyang puso ay dagling bumilis dahil sa takot na nararamdaman.

Kung hindi lamang sa kaniyang minamahal, hinding-hindi siya haharap sa grupong ito. Subalit alam niya, ito lamang ang tanging paraan… ito lamang.

“Layas! Wala kang puwang sa aming grupo. Umalis ka na bago ka pa namin gawing hapunan.”

Halos tumagos sa kaibuturan ng buong pagkatao ni Damon ang makapanindig-balahibong sigaw ni Lord Hakarim. Tila atungal ng isang leon sa ilang.

Ipinilig ni Damon ang kaniyang ulo at tumingin sa mga bampirang nakapaligid sa kaniya. Namumula at nanlilisik ang mata ng mga ito, titig na titig sa kaniya. Ang iba ay napapalunok, at ang iba naman ay sadyang ipinapakita ang mga pangil.

Alam ng binata, indikasyon iyon ng kahandaan ng mga ito sa isang pag-atake. Napalunok siya. “Pakiusap, Lord Hakarim. Gawin po ninyo akong bampira.” Sa kabila ng takot na nararamdaman, pinili pa rin niya ang lumuhod at muling makiusap.

“Matigas ang ulo mo, tao,” nangingising sagot ni Lord Hakarim. “Mga kasapi, gawin na ninyo ang gusto ninyong gawin sa taong ito.”

Humanda na sa pagsugod ang mga bampira  kaya napilitan si Damon na kumaripas ng takbo palabas ng lugar na iyon. Walang lingon-likod niyang binagtas ang daan papasok sa kakahuyan. Binilisan pa niya ang pagtakbo, umaasang sa tulong ng madadawag na punongkahoy ay makaligtas siya.

Ano nga ba itong sinuong niya?

Sa pagitan ng kaniyang matinding kaba at paghingal, bumalik ang mga alaala sa isipan ni Damon.

“Hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal mo, Damon. Masasaktan ka lang.”

Damang-dama niya noon ang kalungkutan sa tinig ni Lilian.

“Isa akong imortal, alagad ng dilim. Damon, isa akong bampira.”

Noong mga oras na iyon, hindi siya agad nakasagot dahil sa matinding pagkabigla. Mistulang kidlat na diretsong tumama sa kaniyang puso ang mga salitang binitiwan ng dalaga. Namanhid din ang kaniyang isip at hindi halos matanggap ang katotohanang narinig. Mahal na mahal niya si Lilian, pero dahil sa mga sinabi nito, nalito siya. Habang nakatitig siya sa maamo nitong mukha, pilit niyang kinakapa sa kaniyang puso kung ano ang dapat niyang maramdaman.

Batid ni Damon, ramdam ni Lilian ang kaniyang pagkalito. Nang namalayan niyang humakbang ang dalaga palayo sa kaniya ay hindi na siya nagdalawang-isip pa, hinabol niya ito at mahigpit na niyakap.

“Wala akong pakialam kahit ano ka pa. Basta ang alam ko, mahal na mahal kita, Lilian. At kahit ano’y gagawin ko makasama ka lang.”

Iyon ang mga salitang binitiwan niya mula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Ang pangako niyang iyon ang siyang matinding dahilan kung bakit naglakas-loob si Damon na harapin si Lord Hakarim, kung bakit siya narito sa kuta ng mga bampirang humahabol sa kaniya.

Nagising si Damon mula sa malalim na pag-iisip nang bigla siyang makarinig ng mga kaluskos. Sinikap niyang doblehin pa ang bilis ng pagtakbo. Halos liparin na niya ang daan sa tulin. Sa wakas, may natagpuan siyang isang malaking kweba. Agad siyang tumungo roon at nagtago, nagbabaka-sakaling ‘di siya makikita dahil nahaharangan ng matataas na damo ang bungad niyon.

Bahagyang hinawi ni Damon ang talahib at sumilip. Naroon ang isang lalaki na palinga-linga habang sumisinghot-singhot, pilit inaamoy kung saang dako siya tumungo. Muntik na niyang malimutang may kakayahan nga pala ang mga bampira na hanapin siya gamit ang matalas na pang-amoy. Ano ang dapat niyang gawin? Ano ang laban niya sa mga ito? Bigla ay sumagi sa isipan niya ang itinuro sa kaniya ni Lilian. Maingat na kumilos si Damon at nagpagulong-gulong sa may putikan para mawala ang kaniyang amoy.

Pumasok sa kweba si Damon sa pag-asang mayroong ibang daan palabas. Patang-pata ang kaniyang katawan ngunit nagpatuloy siya sa paglakad. Hindi biro ang sinuong niya makaharap lamang si Lord Hakarim. Isinugal niya ang buhay niya malampasan lamang ang mga kawal nito. Ginamit niya lahat ng bertud at inorasyunang mga kagamitan na inipon niya sa loob ng maraming taon para sa misyong ito. Si Lord Hakarim lamang ang alam niyang paraan para maging bampira na rin siya, pero nabigo siya!

Halos hilain na ni Damon ang mga paa sa bawat paghakbang. Unti-unti na ring lumalabo ang liwanag sa hawak niyang flashlight, at hindi nagtagal, kasabay ng pagbigay ng kaniyang pagod na mga paa ay ang pagkawala ng kaniyang ulirat.

***

“Ano ito, Damon? A-anong okasyon mayroon dito?” nasabi ni Lilian habang inaalalayan ito ni Damon sa paglalakad sa red carpet. Puno iyon ng talulot ng mga pulang rosas papasok sa bulwagang napapaligiran ng mga bulaklak. Sinalubong sila ng lalaking tumutugtog ng violin.

Tumigil sila sa paglakad, lumuhod si Damon sa harapan ni Lilian at binuksan ang hawak na kahita na pinaglalagyan ng diamond ring. “Will you marry me, Lilian?”

“D-Damon… pero… m-meron kang dapat malaman.” Bakas ang pagkalito sa mukha ni Lilian. “Patawarin mo ako. Hindi ko na ito dapat pinaabot sa ganito.” Hindi na nito napigil ang mapahagulgol, ang mga palad ay naisapo sa sariling mukha.

Tumayo si Damon at maingat na kinuha ang mga kamay ng kasintahan. “Bakit, Lilian? Ayaw mo bang magpakasal sa akin? Akala ko ba mahal mo rin ako? Anong gumugulo sa iyo?”

Humugot ng malalim na paghinga si Lilian. “Hindi ako karapat-dapat sa pagmamahal mo, Damon. Masasaktan ka lang.”

***

“Lilian!”

Napaupo si Damon sa kaniyang hinihigaan, habol-hininga at pawis na pawis. Panaginip. Ang tagpong iyon sa buhay niya ang siyang pumatay at muling bumuhay sa buo niyang pagkatao. Nangako siya kay Lilian na gagawin niya ang lahat magkasama lang sila, pero iniwan pa rin siya nito. Iisa lang ang paraan para bumalik ito sa kaniya—ang maging isang ganap na bampira na rin siya.

“Gising ka na pala,” agaw-pansin sa kaniya ng lalaking pumasok sa kubong iyon.

Kubo? Noon lang napuna ni Damon na wala siya sa sarili niyang silid, at noon din niya napagtuunan ng pansin ang kakaibang hitsura ng kasama. Putiin ang buhok nito, ngunit ang mukha ay maaliwalas at ang mga mata ay may kakaibang kulay na tila pinaghalong asul at berde.

“Natagpuan ka ng mga kawal ko sa lagusang nagdurugtong sa aming tribo at sa kuta nina Lord Hakarim. Bakit ka napadpad doon?” patuloy na pahayag ng lalaki.

“A-Aksidente ang pagkakatuklas ko sa lugar na iyon. Nasaan ako? S-sino kayo?”

“Ako nga pala si Banderas at narito ka sa tribo ng mga taong-lobo. ‘Wag kang matakot dahil hindi kami masasamang nilalang. Mapalad ka dahil ang kwebang nilusong mo ay napapalibutan ng orasyon para hindi mahanap ng mga bampira. Pero, ano bang ginagawa mo sa paligid ng kuta nina Lord Hakarim? Base sa iyong amoy, isa kang purong tao. Kaya ka dinala ng aking mga kawal ay upang malaman namin kung papaano ka nakarating sa lugar na iyon. Hindi mapapasok ng ordinaryong tao ang kuta ng mga bampira. Sabihin mo, anong kapangyarihan ang taglay mo?”

“Wala akong kapangyarihan maliban sa matinding pagnanais ko na maging isang ganap na bampira. Kaya pakiusap, tulungan ninyo akong makumbinsi si Haring Hakarim na tanggapin ako.”

Pagak na natawa ang pinuno ng mga taong-lobo. “Nakakatawa ka. Halos mamatay ka sa pagtakas sa kanila ngunit ngayon ay nakikiusap kang tulungan ka namin na makabalik doon para maging bampira? Nawawala ka na yata sa iyong sariling katinuan. Mabuti pa ay magpahinga ka na lang muna at magpagaling.”

“Hindi ako nababaliw, ginoo. Ginagawa ko ito para tuparin ang iniwan kong pangako sa aking minamahal. Kung magiging isang ganap na bampira ako, wala nang rason para lumayo siya sa akin.”

“Pag-ibig? Totoo nga palang makapangyarihan ang salitang iyan sa mga tao.”

“Pananalig at pag-asa, iyan ang patuloy na nagtutulak sa akin para lumaban at patuloy na mabuhay. At ang pag-ibig naman, iyan ang dahilan kung bakit nananatili ang pananalig ko at pag-asa.”

“Kahanga-hanga ka. Ang determinasyon mong iyan ang eksaktong hinahanap namin. Tutulungan kitang maging ganap na bampira, at kahit pa nga ang hanapin ang babaeng minamahal mo. Ngunit bilang kapalit, sasapi ka sa aming kilusan laban sa mga bampira ng Hilaga. Sila ay grupo ng mga bampira na patuloy na lumalawak dahil sa pananakop sa mga kuta at tribo ng kapwa nila bampira at maging ng mga nilalang na katulad namin. Nanganganib ang buong sambayanan kung hindi pa sila mapupuksa dahil tiyak na uubusin din nila ang lahi ng mga tao. Handa ka bang gawin ito para sa pag-ibig na sinasabi mo?”

“Kung iyon ang tanging paraan, papayag ako,” tuwirang sagot ni Damon.

***

Matapos ang pagpayag ni Damon, dinala siya ng mga taong-lobo sa liblib na dako ng Silangan kung saan nagkukuta ang mga bampirang may lahing manggagaway at salamangkero na pinangungunahan ni Pinunong Lamudaw. Ang mga iyon ay mga kalahi ni Lord Hakarim na tumiwalag sa pamumuno nito dahil sa pakikipagkaibigan sa mga bampira sa Hilaga. Matapos makumbinsi ni Banderas ang mga ito na sumapi sa pag-aaklas para tuldukan ang kasamaan ng mga Bampirang-Hilaga, sinimulang idaan sa proseso ng orasyon si Damon.

Sa loob ng anim na buwan ay nagtiis si Damon na makulong sa isang bariles na puno ng nakakasulasok na likidong pinaghalong dugo ng mga bampira at dagta ng espesyal na halamang tanging ang mga bampirang manggagaway ang may kapangyarihang makapagpatubo. Sa loob ng panahong nakakulong siya sa dilim, wala rin siyang maramdaman ngunit araw-araw ay naririnig niya ang mga orasyong tila huni ng mga ibon.

Pagsilay ng liwanag sa bariles na kinalalagyan niya ay siya namang panunumbalik ng pandama ni Damon. Sabik niyang nilanghap ang hangin nang lumabas siya mula roon.

“Maligayang pagkabuhay sa bago mong katauhan, Damon,” sabi ni Banderas. “Anong pakiramdam mo?”

“Napakagaan. Pakiramdam ko, kaya kong gawin ang lahat ng bagay gamit ang bagong silang kong katawan.” Nag-uumapaw ang sigla sa puso niya habang ang tanging nasa isip ay ang mahanap at muling makita si Lilian.

***

Ilang taon na rin ang lumipas nang magsimulang mag-aklas ang mga Bampirang-Manggagaway at taong-lobo na pinamunuan nina Pinunong Lamudaw at Banderas. Habang nasa daan ng paglalakbay patungo sa pinaka-sentro ng kuta ng mga kalaban, iba’t ibang grupo rin ng masasamang bampira ang kanilang nakatunggali. Sa loob ng panahong iyon ay nalaman nilang tinraidor ni Lord Hakarim ang hari ng Bampirang-Hilaga. Pinaslang nito iyon upang ito ang pumalit na hari.

Dumating ang takdang araw ng paglusob sa Sentro. Unti-unting nababalot ng kulay pula ang buong paligid ng disyerto dulot ng pagbubuno ng grupo nina Damon at ng mga Bampirang-Hilaga. Maririnig ang mga atungal ng mga bampira sa tuwing pagpipira-pirasuhin ng mga lobo ang kanilang mga katawan. Ang mga katawang naluray sa paligid, sa paglipas ng ilang minuto nagiging abong nililipad ng hangin pahalo sa buhanginan. Tanging dugo na lamang ang naging patotoo na minsan ay may nilalang na nalugmok sa dakong iyon. Bawat panig hindi nagpapaawat, kani-kaniyang pakita ng lakas at kakayahan.

Sa panahon ng pakikipaglaban ni Damon, natuklasan niyang ang lahat ng lakas, liksi, at bangis ng bawat bampirang napapaslang niya ay dagling naisasalin sa kaniya. Ito ang dahilan kung bakit siya ngayon ang isa sa pinakamalakas sa kanilang grupo. Sa dami na ng mga napatay niyang mga bampira, hindi na niya iniinda ang anomang tilamsik ng dugo sa kaniyang mukha. Sinanay na niya ang sarili sa walang pag-aatubiling pagpaslang sa kaniyang mga kalaban.

“Hindi mo ba alam na isa siya sa aming grupo?”

Napalingon si Damon nang marinig ang isang pamilyar na tinig—si Lord Hakarim!

“Sa lakas ng inyong grupo, wari ko ay nakabulagta na rin sa mga oras na ito ang iyong pinakamamahal—si Lilian, tama? Siya ay kasapi na sa grupo ng Bampirang-Hilaga,” nakangising saad nito. Dinilaan pa ng hari ang mga daliring nababalutan ng dugo. “Kaawa-awang Lilian, naliligo na siya marahil sa kaniyang dugo. O, ang masaklap ay tinatangay na ng hangin ang kaniyang abo,” pauyam na sabi nito na sinabayan pa ng malutong na halakhak.

“Tumahimik ka, buhay pa si Lilian!” galit na sabi ni Damon. “Alam ko iyon dahil hinding-hindi siya makikisapi sa masasamang nilalang na gaya niyo.” Nagliyab ang galit sa puso ni Damon, at mula sa normal ay nagbagong-anyo ito bilang ganap na bampira. Mabilis niyang sinugod ang haring wala pa ring humpay sa paghalakhak.

Nagtangka pang lumaban si Haring Hakarim, ngunit mas mabangis si Damon. Itinarak niya ang matutulis na mga kuko sa dibdib ng hari at walang-awang dinukot ang puso nito. At ang katunggaling kanina’y humahalakhak ay bumagsak sa buhanginan.

“Panginoong Hakarim!” sigaw ng isang babaeng kawal mula sa may likuran ni Damon.

Habang unti-unting nagiging abo si Lord Hakarim, naramdaman ni Damon ang pagsugod ng babaeng kawal, kaya’t mabilis niya itong hinarap kasabay na iniangat ang kanang kamay upang salubungin ang pag-atake nito. Diretsong tumarak ang matatalim niyang kuko sa dibdib ng kalaban. Nag-uumapaw pa rin ang galit sa kaniyang puso, subalit ang galit niyang iyon ay dagling napalis at napalitan ng pagkagimbal nang masilayan ang mukha ng babaeng nasa bisig niya. “L-Lilian?”

“Da… Damon?” habol-hiningang usal nito habang unti-unting bumalik sa normal na anyo si Damon. “Isa ka nang… bampira?”

Tinanggal niya ang pagkatarak ng kaniyang kamay sa dibdib ng dalaga.”L-Lilian,” paanas na sabi niya kasabay na dahan-dahang napaluhod habang inaalalayan ang pagbagsak ng mahal niya. “Lilian, hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako—”

Inilapat ni Lilian ang hintuturo nito sa kaniyang mga labi upang siya’y patahimikin. “Alam ko… kahit ako hindi kita agad nakilala. Hindi ko alam…” Napaubo ito ng dugo.

“Banderas, Pinunong Lamudaw, pakiusap pagalingin ninyo si Lilian! Hindi siya maaaring mamatay!” natataranta niyang sabi dahil sa pag-aalalang maging abo na ang dalaga kahit pa alam niyang ang taong tulad nila na naging bampira ay higit na matagal maabo kumpara sa katutubong-bampira. Ngunit napuna ni Damon na tila bumabalik sa anyong mortal ang katawan nito. “T-tao ka nang muli, Lilian? Ngunit bakit?”

“S-Si Panginoong Hakarim…” sagot nito, “siya ang kumagat sa akin kaya ako naging bampira.”

“Kung gayon ay hindi permanente ang pagiging bampira niya dahil hindi siya dumaan sa proseso na tulad ng sa iyo, Damon,” sabad ni Pinunong Lamudaw. “Nasa ilalim siya ng kapangyarihan ng bampirang kumagat sa kaniya at bilang alipin, ibubuwis niya ang buhay hanggang sa huling abo ng kaniyang panginoon.”

“Ipagpatawad mo, Damon,” sabi ni Banderas. “Kung nasa katawang imortal pa sana siya ay maaagapan pa ang kaniyang pagkamatay. Huli na ang lahat.”

“Hindi maaari!” galit na sabi Damon. “Hindi kita hahayaang mamatay! Magkakasama na tayo, hindi na tayo magkakahiwalay pa!” Halos mabaliw si Damon sa tindi ng emosyong nararamdaman. Lubos ang kaniyang pagsisisi. Bakit kung kailan nagkita na sila ng babaeng minamahal ay saka naman nangyari ang ganito? Kung napaaga lang ang pagpaslang niya kay Lord Hakarim bago siya nakita ni Lilian ay naputol na sana agad ang sumpa ng pagkaalipin nito. Sadya nga bang malupit ang tadhana sa kaniya?

“Damon… patawad sa pag-iwan ko sa iyo noon. H-hindi ko gustong gawin iyon, pero pinagbantaan nila ako na papatayin ka. Ginawa ko lang ang alam kong nararapat, iniwan kita upang hindi ka mapahamak. Damon, patawad.” Kahit nahihirapan ay pinilit ni Lilian na sabihin ang nilalaman ng kaniyang puso. “Damon, mahal na mahal kita. Magkikita pa tayong muli, pangako, mahal ko.” Naramdaman ni Damon ang mahigpit na pagyakap sa kaniya ni Lilian. Yakap na unti-unting lumuwag… unti-unting bumitiw.

Isang nakapangingilabot na hiyaw ang pinakawalan ni Damon—panaghoy ng isang pusong labis na nasasaktan. Matapos iyon ay humagulgol siya hanggang sa siya’y mapagod… hanggang sa halos maubos na ang kaniyang mga luha. Ilang sandali rin siyang nanatiling nakaluhod habang yakap si Lilian. “Hinanap kita kung saan-saan,” bulong niya. “Halos mamatay ako kakahanap sa ‘yo. Isinanla ko pa ang aking kaluluwa para maging isang imortal na kagaya mo para lang makasama ka. Akala ko magsasama na tayo na masaya, akala ko madurugtungan na ang naudlot nating pagmamahalan.” Kumilos siya upang buhatin ang walang buhay na katawan ni Lilian. “Mahal ko, darating ang araw na tayo ay magkikitang muli gaya ng pangako mo. Hindi nga siguro ito ang tamang panahon para sa ating pagmamahalan, kung kaya’t ipinapangako ko, galing sa aking pusong imortal, na hihintayin kita hanggang sa muli kang bumalik sa akin. Kahit abutin man ng mahabang panahon, hihintayin kita. Pangako, babaguhin ko ang mundo natin. Wala nang magbubuwis ng buhay. Magsusumikap ako na palaganapin ang kapayapaan sa pagitan ng mga bampira at ng mga tao. Sa araw na iyon, sa muli nating pagkikita, titiyakin kong maaari na kitang makasama nang malaya.”

THIS FEATURED FICTION IS THE PRODUCT OF SBC-STORPPY WRITING WORKSHOP. Copyright. ANNIE VALLANO. All rights reserved.

___________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: ANNIE VALLANO is happily married and a devoted mother to her three kids. Through the years she’s been into different crafts and hobbies till she has found love in writing stories. She may categorized herself a greenhorn to this field but has already published stories on Wattpad under the name, “aichinita.”

Aside from being the author of “Breaking Dawn” (vampire genre) and more stories,  Annie is also a contributing writer to the SBC A.R.T.I.C.L.E.S. – a Wattpad monthly magazine created by SBC Writing Community. Her articles could be found under the column of Fashion & Style and Techie Expert.

“Pusong Imortal” is her second published story under StorPpy Weblog Magazine after the inspirational story,”Sorgere.” Annie’s latest written piece (a vampire genre), entitled, “Lust Bite,” will be published in print by Pad of Writers.

To know more of her latest activities, find Author Annie on the following sites:

FB account : Annie Vallano

Fb page:  aichinita/Annie’s photography

Aichinita’s blog: https://aichinita.wordpress.com/

Tweeter: @aichinita

10 thoughts on “Pusong Imortal by Annie Vallano”

  1. Awts! nabitin ako pero ang ganda. Hindi ko talaga inieexpect na si Annie Valano ang nagsulat nito..nyahaha Good Job!

    Liked by 1 person

  2. Ito na! 🙂

    Liked by 1 person

  3. congratulations! 🙂

    Liked by 1 person

  4. ang sakit sa heart! ouch! its a one shot story pero pakiramdam ko isang buong nobela ang natapos ko..hindi ako nabitin, and im very much satisfied though hindi siya happy ending. pero iisipin ko na lang na marereincarnate si lilian para happy parin ang ending..wahaha CONGRATULATIONS ATE ANNIE! IT’S A GREAT STORY! ;))

    Liked by 1 person

  5. WOW! Ang laki na nang inimproved mo Labidabs Ai.
    Ang ganda nito. ASTIG!
    Congrats! ^_______^

    Liked by 1 person

  6. haru! ang sakit sa puso naman >.< waaahh ang ganda nito mamey ai 🙂
    Congrats mamey ai, ang ganda nito 🙂

    Liked by 1 person

  7. Gusto ko talaga ang mga ganitong genre. At nasulat talaga sa magandand paraan, the twist, scenes, name it. maganda pagkakasulat.

    Liked by 1 person

  8. Maraming salamat po naka bukadkad ng atay mga comments ninyo. Matutuwa talaga si aleng ulan nito sobra..

    Liked by 1 person

  9. Ang Ganda nitong story mo nagustuhan ko Siya kc Mahilig din ako sa vampires stories like twilight, vampire diaries etc.. And ung name pa ng bido mong guy parehas Kay Damon Kay Damon my loves ko sa vampire diaries haha.. Anyways Masakit sa puso ang ending kc Hindi naging sila eh. Maganda ang pagkasulat and pagkanarrrate. Very detailed talaga Siya. Good luck on this story and congrats 🙂

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s