INTRODUCTION: Ano ang Kalayaan para sa Iyo?

KALAYAAN.
Ito’y pamana sa ating lahi.
Isang kapalaran para sa mga manunulat ng ating henerasyon.
StorPpy

 

Sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo, hindi rito magtatapos ang paggunita nating mga Pilipino sa katapangan at kagitingan ng ating mga bayani na nagbuwis ng buhay upang makamtan lamang ang kalayaang ating inaasam. Maraming nagsasabi, na kung ating susuriin ay hindi pa tayo lubos na malaya hanggang sa makabagong panahong ito na ating kinagisnan. Ngunit marami mang agam-agam, mayroong isang patotoo na hindi nawalang-kabuluhan ang pagsasakit ng ating mga bayani. Ang karapatan na makapagpahayag ng saloobin gamit ang panulat ay isang pamana na kailanman ay hindi natin dapat ipaagaw kanino man.

Ang issue na ito na pinamagatang, “Freedom from Within,” ay inihahandog ng StorPpy Weblog Magazine bilang pagpupugay at pasasalamat sa ating mga bayani na naging daan upang ang mga manunulat ng henerasyong ito ay malaya pa ring nakakapagpahayag at nakakapagpabahagi ng talento sa literatura.

Bago natin basahin ang mga natatanging likha na napapaloob sa issue na ito, atin munang alamin ang tugon ng mga nasa likod ng StorPpy Magazine at ilang manunulat mula sa SBC Writing Community sa katanungang: “Ano ang kalayaan para sa iyo?”

 

***

“Kalayaan para sa akin ay isang salitang may kaakibat na maraming kahulugan, ngunit ito ay nagmumula sa iyong puso kung saan sasalamin ito sa iyong pagkatao. Ang pagiging simple pero responsable, masaya ngunit walang inaapakang ibang tao, may ngiting kayang ipakita sa buong mundo nang walang halong pag-aalala, at pagmamahal na walang sinusukat na halaga.”

Aya,

Project Consultant

(http://haurinaya.wordpress.com)

***

“Kalayaan. Para sa akin, ito ay ang kakayahan ng isang taong maging malaya… sa isipan man, sa pananalita at sa gawa. Kaya mong matulog nang walang inaalalang mabigat sa dibdib, kaya mong maglakad nang taas noo at kaya mong mamuhay nang buong-buo ang kapayapaan sa puso at isipan. Kalayaan.”

Jeng,

StorPpy Project Editor

***

“Ang kalayaan para sa’kin ay ang karapatan na kumilos at magsalita nang walang anumang inaalalang restriksyon, gayunpaman ay wala ring sinusuway na batas. Ito ay ang malayang pagsagawa ng ating mga hangarin nang walang bumabalakid hanggang sa ang hangarin na iyon ay makamit nang wala tayong nasasaktan. Kagaya ng pakiramdam kapag nakikita ang pag-angat at paglubog ng araw.”

Mei,

Poetry Editor- Inklings, SBC-StorPpy Creatives

***

“Ang kalayaan ay sumisimbolo sa pagmamahal. Pagmamahal na walang bahid ng kagustuhang magdusa o mang-alipin ng iba.”

Rye Gala,

StorPpy Project Editor

***

“Ang kalayaan ay ang pagkakaroon ng malinis na puso’t isipan, na kahit ano mang basura ang ibato ng iba sa ‘yo alam mo na hinding-hindi ka madudumihan dahil para sa ‘yo tamang daan ang tinatahak mo at wala kang inaagrabyadong tao. Malaya ang taong alam kung alin ang pipiliin: ang tama o ang magpapasaya sa kanya.”

Jeanne,

Art Director – Wayward, SBC-StorPpy Creatives

***

“Kalayaan. May walong letra, ngunit may malalim na kahulugan. Kung ano man, madaming ibig sabihin. Pero para sa’kin, ang kalayaan ay ang pagiging malaya nang may kaakibat na malaking responsibilidad: sa pagpapahayag ng nais sabihin, sa pagkilos, at maging sa pag-iisip. Ngunit ito’y limitado pa rin. Hindi porket sinabi na malaya, ay maari ng gawin ang gusto at inaasam. Kailangan lagi pa ring alalahanin na ang pagiging malaya ay ang paggawa ng tama.”

CJ,

Graphic & Layout Artist, StorPpy Creatives

***

“Ang mabuhay na mayroong pagkakapantay-pantay ay katumbas ng pagkakaroon ng kalayaan.”

Lee,

Editor

———————-

“Kung sa araw-araw ay lilingon ka sa iyong balikat para tignan ang nakaraan, malamang hindi ka malaya. Ang kalayaan ay isang gunita kung saan walang kadenang humihila sa iyo pababa – pisikal man, emosyonal, pansarili o pangkalahatan.”

L.C.Brasil,

sumulat ng Deadlock

***

“Ang kalayaan para sa akin ay ang pagkakaroon ng walang hadlang na pagpapasya at gawin o sabihin ang ano mang nais. Ito po ay pagpapaliwanag sa neutral side, maaring mali, tama, makakabuti at maaring makasama.”

Aftermat,

author of Seal of Light

***

“Kalayaan. Malaya kang gawin kung ano man ang iyong ninanais o kagustuhan. Walang tumututol, pumipigil at humahadlang. Ngunit sa kabilang banda, may pagkakataon na ang labis na kalayaan ay nagiging masama kung magpapadalos ka.”

luckyGolucky,

author of Hey Mom

***

“Ang kalayaan para sa’kin eh yung pagkakaroon ng mga karapatan… Walang makakapigil sayo hanggat tama ang gagawin mo. May roon kang karapatang magpahayag ng sarili mong opinyon at gawin ang mga gusto mong gawin hanggat hindi ka makakasakit ng ibang tao.”

Ian Belen,

SBC Community Admin

***

“Ang kalayaan para sa akin ay ang pagkakaroon mo ng respeto sa karapatan ng iba. Ika nga, “Your right ends where my right begins.” Pare-pareho tayong tao, kung kaya’t kailangan nating magpakatao. Kaakibat ng kalayaang nararanasan natin ang responsibilidad na pangalagaan din ang kalayaan ng iba.”

Toritey,

ang kengkoy na manunulat ng Nakakapagpamurang Kamalasan

***

“Kalayaan ay isang malawak na usapan paano bigyan ng maayos na kahulugan. Kung nasa tama o nasa mali.
Kalayaan ay ang karapatan o kakayahan ng ating sarili kung paano ipahiwatig ng isang determinasyon ng isang hangarin na hindi matatakot sa kapwa o sambayanan.”

Annie Vallano,

author of My Physics Teacher

***

“Ang Kalayaan para sa akin ay kalayaan ng damdamin. Mga damdaming matagal na ikinubli. Damdaming kailangang maisatinig man o maisulat ng malayang lumabas ito sa ating mga sugatang puso.”

MeasMrNiceGuy,

author of Summer Crush

 
***
Ikaw, ano ang kalayaan para sa iyo?
***

 

Advertisements

1 thought on “INTRODUCTION: Ano ang Kalayaan para sa Iyo?”

  1. Ang Malayan para sa akin ay ang pagawa ng gusto at kakayahang mag pasta

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s