Everything Happens for a Reason by GrayEmotion

StorPpy_EverythingHappensforaReason_photoCJ

 

Kasawian. Pighati. Kalungkutan. Ito ang mga salitang naglalarawan sa lalaking namataan ni Farah na nakaupo sa medyo tagong hagdanan ng ospital. Tila pasan-pasan nito ang lahat ng problema sa mundo. Nakatulala sa kawalan, magulo ang buhok, at tila ba ang gusot nitong damit ay hindi pa napapalitan nang ilang araw.

“Uhm, h-hi…” alanganing bati ni Farah.

Nag-angat ng tingin ang lalaki ngunit walang mababakas na emosyon sa mga mata nito.

“Ako nga pala si Farah Sanchez,” masiglang pakilala niya.

Katahimikan. ‘Yan ang isinukli ng lalaki sa kanya. Ngunit nanatili ang ngiti sa mukha ni Farah, umaasang papansinin din siya ng lalaki.

“Drei,” sa wakas ay sumagot ito.

“Drei… ano?” pangungulit pa ni Farah.

“Drei Fortes,” halatang napipilitang sagot ng kausap. Lalong lumawak ang ngiti ni Farah dahil naisip niyang hindi naman pala suplado ang lalaki.

“Drei Fortes. It’s a nice name, pang action star ang dating, haha!”

Pero wala pa ring reaksyon si Drei, kaya natigilan siya. “Okay, sabi ko nga ang corny ko, e.”

Binalot sila ng katahimikan. Pero dahil sadyang madaldal si Farah, at pakialamera rin kung kinakailangan, di niya maiwasang magtanong kay Drei. Nagtataka kasi siya kung bakit ang gulo ng hitsura nito. Pero kahit pa nga ganon ay hindi naman nabawasan ang kagwapuhan ng lalaki — matangos ang ilong, manipis ang labi, at mala-tsokolate ang kulay ng mga mata.

“Ah, Drei, if you don’t mind… ano bang nangyari sa ‘yo?”

Humugot ng malalim na paghinga si Drei habang nakatingin sa mga kamay na pinipisil-pisil nito. Naisip ni Farah na baka naiinis na ito sa kanya at gusto siyang suntukin kaya humanda na siyang umalis.

“Uhm, it’s okay kung ayaw mong sagutin. Sige, aalis na lang ako. Baka gusto mong mapag-isa. Bye, nice meeting you.

“Accident.” Natigilan si Farah nang sinagot siya ni Drei. “Car accident,” muling sabi nito, sabay patingalang tumingin sa kanya.

“N-Naaksidente ka pala? Dapat siguro nasa Emergency Room ka. B-baka may nabali sa iyo—”

“Sana nga,” putol nito sa sasabihin niya. “Sana nga ako na lang ang nasaktan. Sana ako na lang ang namatay!” Umalingawngaw ang sigaw ni Drei. Napaurong naman si Farah sa kanyang kinatatayuan.

“Ako ang dapat namatay,” usal ni Drei. Ikinulong ang mukha sa mga palad habang umiiyak. “Hindi ito totoo. Hindi ang pamilya ko, hindi ang babaeng mahal ko! Bakit sila pa ang namatay? Bakit kailangan akong parusahan ng Diyos nang ganito?”

“Tumigil ka, Drei Fortes,” mariing sagot ni Farah. “Wala kang karapatang kwestyunin ang pasya ng Diyos.”

Tila tinablan si Drei sa sinabi ni Farah. Tumigil ito at nakayukong nakinig sa kanya.

“Alam mo, imbes na sisihin mo ang Diyos, dapat nga magpasalamat ka pa. Magpasalamat ka dahil buhay ka at malusog. ‘Yung ibang tao nga riyan, nakikipag-agawan pa sila kay kamatayan para lang mabuhay. Tapos ikaw… ikaw na binigyan ng pangalawang pagkakataon, ikaw na ngang nakaligtas sa aksidente, gusto mo pang mamatay?”

“Wala akong pakialam,” matigas na sagot ni Drei, tumitig sa kanya nang matalim. “Alam mo, nasasabi mo lang naman ‘yan dahil wala ka sa kalagayan ko. Wala kang alam sa nararamdaman ko kaya ‘wag kang magmarunong. At ang mga taong sinasabi mo, ‘yung mga nakikipag-agawan kay Kamatayan, gusto ko silang makilala. Ipakilala mo sila sa akin at nang kanila na lang itong buhay ko.”

Sarkastikong napangiti si Farah. “Wow. Napaka-generous mo naman. Ipamimigay ang buhay? Ikaw na, Drei Fortes.” Naupo na si Farah sa tabi ni Drei. “How I wish, pwede ang life transfer. Pero hindi, e. Hindi natin hawak ang buhay natin. Hindi tayo ang nagmamay-ari ng buhay natin. Kaya masuwerte ka, Drei. Masuwerte ka dahil ibig sabihin nito, binibigyan ka pa ng pagkakataon ng totoong nagmamay-ari ng buhay. Pero bakit nga ba ikaw? ‘Yan ang tanong mo, di ba?” Tinapik niya si Drei sa balikat. “Everything happens for a reason, tandaan mo iyan. At kung anong reason ng Diyos, ikaw lang ang tanging makakasagot niyan. Siguro, marami ka pang pwedeng i-contribute sa mundo kaya ka nabuhay. Celebrate your life. Live and search for the reason why you survived the accident.”

Napaisip si Drei sa sinabi ni Farah. Maaaring tama nga ito. Pero bakit? Bakit siya pa? At ano naman ang rason na tinutukoy ni Farah? Magsasalita na sana si Drei nang biglang may tumawag sa kausap niya — isang hinihingal na lalaki, matangkad at moreno.

“Farah, ano ka ba? Napagod ako kakahanap sa iyo, nandito ka lang pala. Bakit ka ba umalis sa kwarto mo? Paano na lang kung may nangyaring masama sa ‘yo? Hindi mo ba naisip na maaaring mapahamak ka? Alam mo namang may sakit ka at—”

“Mark naman, e. Okay na. Tama na, maayos naman ako,” natatawa at malumanay na sabi ni Farah.

Si Drei naman ay halatang nagulat nang malamang mayroon palang sakit ang kausap. Maaaring payat nga ang babae, pero mataas ang energy nito at napakapositibo ng pananaw sa buhay. Kung titingnan, parang wala itong dinadalang problema.

“Ikaw talaga, Babe. Napakatigas ng ulo mo,” sabi ni Mark. “Halika na nga. Pumunta na tayo sa room mo at baka mag-rounds na si Doc.”

Tumayo na si Farah para bumalik sana sa kanyang kwarto nang maalala niyang may kausap nga pala siya.

“Oh, wait, Mark. Oo nga pala si…” Sabay nilingon si Drei. “Si Emo Boy—er—si Drei pala, bagong kaibigan ko rito.”

Kaibigan? Dahil doon ay napalingon si Drei kay Farah. Nakita niyang kumapit ito sa braso ng lalaki na tinawag nitong Mark at inilapit ang mukha sa may pisngi niyon at tila may ibinubulong.

“May problema kasi siya kaya kinausap ko muna,” mahinang sabi ni Farah sa nobyo. Ngiti at tango naman ang itinugon ni Mark sa kasintahan.

“Paano ba ‘yan Emo—er—Drei, aalis na kami. Ito kasing ‘personal nurse’ ko, nangungulit na. Wait nga pala…” May dinukot na mga nakatuping papel ito mula sa bulsa ng pantalon at pagkatapos ay kinuha ang ballpen na naka-pin sa polo-shirt nito. May isinulat ito sa isa sa mga papel, saka iyon muling tinupi at inabot kay Drei. “Heto nga pala, para sa iyo. Basahin mo iyan, ha? Hanggang sa muli. Yung mga sinabi ko sa ‘yo, huwag mo ring kalilimutan. Bye!”

Pagkaabot ng papel ay tumayo si Drei at isinuot ang bitbit na jacket. Hindi niya alam kung anong tumakbo sa isip niya para sundan ang mga ito. Siguro dahil na rin sa napapantastikuhan siya sa positibong pananaw sa buhay ni Farah kahit pa mayroong sakit ang dalaga.

 

Room 174. Doon nakita ni Drei na pumasok sina Farah at ang nobyo nito. Matapos niyon ay akma na siyang aalis para balikan ang mga labi ng kanyang pamilya at nobya sa morgue ng ospital. Ngunit hindi pa man siya nakalalayo ay nasalubong niya ang mga nurse at doktor na humahangos. Gumilid siya para bigyang-daan ang mga iyon, at nang sundan niya ng tingin kung saan patungo ang mga iyon ay nakita niyang pumasok sa silid ni Farah.

***

Mula sa Room 174, inilipat sa Intensive Care Unit si Farah. Ang buhay nga naman, nasabi ni Drei sa sarili, kahapon lang ay masigla pa siyang kinakausap ng dalaga, tapos sa isang iglap, nasa kritikal na kondisyon na ito ngayon. Dahil hindi naman kalayuan sa ospital ang chapel kung saan nakalagak ang mga labi ng pamilya at kasintahan ni Drei, naisipan niyang sumaglit doon para alamin ang kalagayan ni Farah.

Nadatnan ni Drei na nakaupo sa labas ng ICU si Mark. Nakayuko ito at nakatakip ang mga palad sa mukha. Alam na alam niya kung ano ang pinagdaraanan nito ngayon, at pakiramdam niya, dapat niya itong damayan at ituring na kaibigan gaya ng ginawa sa kanya ni Farah.

Pagkalapit ni Drei kay Mark ay tinapik niya ito sa balikat. “Brod.”

Gulat na nag-angat ng tingin si Mark, ngunit nawala rin agad ang bakas ng pagkabigla sa mukha nito nang mamukhaan si Drei. “Ikaw pala. Akala ko kung sino na.” May ngiti sa mga labi nito ngunit ang mga mata ay nanatiling malungkot.

“Musta na siya? Si Farah?” tanong ni Drei pagkaupo sa katabing upuan ni Mark.

Iling at buntung-hininga lang ang naging tugon nito.

“Masuwerte ka sa kanya,” pigil ni Drei sa nagbabadyang katahimikan. “Dahil kahit kahapon lang kami nagkakilala ni Farah, masasabi kong matapang siyang tao. Naiinggit nga ako sa inyo, kasi, kahit dumadaan kayo ngayon sa isang matinding pagsubok, kasama mo pa siya — kasama pa siya ng mga mahal niya sa buhay. Pero ako, sa isang iglap, nawala ang mga mahal ko nang walang kalaban-laban. Pero si Farah, may pag-asa pa siya. Lalaban siya para sa inyo, para sa iyo. Gagaling din siya. Tiwala lang.”

Napakibit-balikat si Mark bago sumagot, “Hindi na siya gagaling.”

Natigilan si Drei sa sinabi ni Mark. Hindi niya inaasahang ito ang isasagot ng kasintahan ni Farah. Napaka-negatibong tao naman nito, ang naisip niya.

“Ang totoo, mas masuwerte ka dahil sa isang iglap ay nawala na ang mahal mo,” patuloy ni Mark. “Iyon bang hindi na niya kailangang maramdaman ang sobrang sakit at hindi mo na rin kailangang makita pa kung gaano siya nahihirapan. Iyon bang mas gugustuhin mo na lang na bigla na lang siyang nawala sa iyo, kaysa ang makitang buhay nga siya pero unti-unti naman siyang pinapatay ng sakit, at wala kang magagawa para pigilan iyon…”

***

Creutzfeldt-Jakob Disease. CJD. Paulit-ulit ito sa isipan ni Drei habang naglalakad pabalik sa chapel.

Ang CJD ay Mad Cow Disease na tumama sa tao. Isang uri ng sakit na unti-unting bubutas sa utak ng biktima nito hanggang sa magmistulang isang espongha. Ang pasyenteng makakaranas nito ay makakalimot kung paano lumakad, tumayo, magsalita — lahat nang iyon ay mawawala sa kanya. Mismong ang mga alaala ay unti-unti ring mawawala. Anim na buwan hanggang isang taon ang itinatagal ng mga pasyenteng nagtataglay ng CJD. Anim na buwan o isang taon ng matinding pagdurusa: pisikal, emosyonal, at mental.

Alam na alam ni Drei ang lahat ng impormasyon tungkol sa kakaibang sakit na iyon. Bakit nga ba hindi? Isa iyon sa mga topic ng thesis niya noong nag-aaral pa siya ng nursing.

Pakiramdam ni Drei hindi lang ang dibdib niya ang bumigat, pati ang mga paa niya kaya naman nang mapadaan sa parke ay minabuti niya munang maupo at magpahinga. Heto siya at nasa gitna ng pagdadalamhati dahil sa isang masaklap na kapalaran, at hindi pa man siya nakaka-recover, nadagdagan pa ang kalungkutan niya sa nalaman.

Sa paligid ng parke ay maraming mga bata na masayang naglalaro at may mga magkasintahang naghaharutan at naglalambingan. Puro masasayang tao ang nakikita niya. Siya nga lang yata ang tanging hindi masaya roon. Naramdaman na lang niyang tumulo na ang kanyang mga luha kung kaya maagap niyang kinapa ang bulsa ng jacket niya para kunin sana ang panyo roon. Ngunit may nadama siyang nakatuping papel. Kinuha niya iyon at binuklat.

Dear Emo Boy (Drei Fortes),

You are my 101st mission. CONGRATULATIONS!

Oo nga pala, naalala ni Drei, iniabot sa kanya ito ni Farah kahapon, pero inilagay lang niya sa bulsa ng jacket na dala niya. Ang unang bahagi ng liham na iyon ay sulat-kamay ni Farah. Pero ang mga sumunod na mensahe ay computer-typed na.

Ipinagpatuloy ni Drei ang pagbabasa.

Alam mo, may mga pangyayari sa ating buhay na ang akala natin ay wala nang solusyon, wala nang pag-asa. Kaya minsan sumasagi sa ating mga isipan na hindi na natin ito kaya, na kailangan na nating sumuko. Lagi tayong naghahanap ng masisisi at mapagbabalingan ng sisi. Pero bakit hindi natin subukang tingnan muli ang sitwasyon? Dapat bang isisi sa iba o sa tadhana ang kasawian? O baka naman, tayo rin mismo ang may kagagawan kung bakit nananatiling miserable ang ating buhay? Lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin ay may dahilan. Maaaring hindi natin agad mahanap ang kasagutan. Pero baka pagdating ng panahon, masasabi ring: “Ah, kaya pala nangyari sa akin iyon dahil darating ang araw na ito.”

Kaya ikaw. Oo, ikaw nga! Be happy, okay? Ikaw lang ang tanging makakapagpalaya ng bigat na nadarama mo ngayon. Kaya maging matapang ka na harapin ang iyong buhay at hanapin ang dahilan kung bakit dapat mong daanan ang sanga-sangang daan na nilalakaran mo ngayon. Think positive.

Siguro nagtataka ka kung bakit may sulat ako sa iyo. Kasi nga ito ang nahanap kong rason kung bakit narito ako ngayon sa harap ng isang daan na maraming tinik na nakaabang at tila ba papadilim. Bago ako lumusong, dapat umabot ang sulat na ito sa iyo. Kasi kapag nagsimula na akong hilain palakad papunta roon, malamang, hindi ko na ito magagawang sabihin, o baka nga hindi ko na ito maisip pa.

Ito ang misyon ko. Ang sabihin sa iyong: “Everything happens for a reason.” Kaya ‘wag na ‘wag kang mawawalan ng pag-asa na ituloy ang iyong buhay.

Your angel here,

Farah

Ilang minuto ring nakatulala si Drei matapos mabasa ang sulat ni Farah. ‘Wag mawawalan ng pag-asa? Nangiti si Drei, kasabay na lalong tumaas ang paghanga niya sa katapangan ng bagong kaibigan. Kahit na halos isang taon na lang ang itatagal nito ay naisipan pa rin ng dalaga na gawin ang bagay na ito. Alam ni Farah, na unti-unti nang igagapos ng sakit na iyon ang buo nitong pagkatao. Pero hindi ito sumuko. Habang wala pa sa stage na iyon, sinamantala nito ang kakaunting kalayaan na mayroon ito.

Tumayo si Drei sa kinauupuan niya kasabay ng pag-ahon ng bagong pag-asa.

***

Farah Sanchez. Beloved Angel. Ito ang nakaukit sa lapida ng puntod kung saan ngayon ay nakatayo si Drei. Sadya niyang hinintay na makaalis ang lahat ng taong sumaksi sa libing.

Wala pang isang taon mula nang magkatagpo sila ng landas ay pumanaw na si Farah. Sa panguguna ng pamilya nito at ng kasintahan na si Mark, isang daan at isang tao pa ang dumagsa para sumaksi sa libing, upang makiramay — at kabilang doon si Drei Fortes… Sa mga taong naging “misyon” ni Farah.

“Farah, my angel…” mahinang sabi ni Drei habang nakatayo sa harap ng puntod ng dalaga. “Sobra mo akong pinahanga, alam mo ba iyon? Sa loob ng halos isang taon na nakasama kita bilang isa sa mga nurse mo, sobra akong nalungkot kasi wala akong ibang pwedeng gawin para tulungan ka sa paghihirap mo. Pero alam mo ba, iyon ang pinaka-makabuluhang parte ng buhay ko? I’ve found my ‘reason’ … and will continue finding my ‘reason.'” Inilapag ni Drei ang kumpol ng mga puting rosas sa ibabaw ng puntod. “Rest now, my dear angel.”

 

THIS FEATURED FICTION IS THE PRODUCT OF SBC-STORPPY WRITING WORKSHOP. Copyright. GrayEmotion. All Rights Reserved

_____________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: GrayEmotion is a Computer Science student and an aspiring writer who loves to read and collect books she admired. She’s been writing since 2011 and has joined Wattpad in 2014. Her dreams are to become a published author and to travel the world someday. You can find her other works at: @GrayEmotion on Wattpad.

4 thoughts on “Everything Happens for a Reason by GrayEmotion”

  1. Muntik na akong maiyak! Nasa office pa man din ako. Buti na lang pinigilan ko. Thumbs up to the author!

    Liked by 1 person

  2. Love this line…

    “Everything happens for a reason, tandaan mo iyan. At kung anong reason ng Diyos, ikaw lang ang tanging makakasagot niyan. Siguro, marami ka pang pwedeng i-contribute sa mundo kaya ka nabuhay. Celebrate your life. Live and search for the reason why you survived the accident.”

    Liked by 1 person

  3. yes! congrats 🙂

    Liked by 1 person

  4. Ang ganda! Congrats!

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s