Breadwinner by Ginalyn Bianan

StorPpy_Breadwineer_photoCJ

 

“Ate! Nawala ang isang gulong ng laruan ko. May isa pa akong tansan dito, gawan mo ulit ng isa pa, please.”

“Amanda, naubusan na nga pala tayo ng bigas kahapon kaya dumilehensya ako kina Aling Maring. Idaan mo na lang daw ang bayad ngayon.”

“Ay, Anak, pumunta rito kahapon si Madam Lena. Naniningil na siya ng renta sa bahay. Magda-dalawang buwan na pala tayong hindi nakakabayad.”

“Ate, baka pwede akong makahingi sa’yo ng isang daan. Pambili ko lang ng project namin sa Science…”

Napahugot ako ng malalim na paghinga. “Pwede bang magsitahimik muna kayo? Hindi ako espongha na kayang sipsipin lahat ng alboroto at problema ninyo sa mundo! Mag-isa lang ako, ang dami ninyo!” Pabalang kong isinara ang pinto ng bahay namin at dali-daling umalis papunta sa trabaho. Tiningnan ko muna ang aking relos at halos liparin ko na ang sakayan ng bus dahil male-late na naman ako nito.

Nakakawalang gana ang mga tao sa bahay! Araw-araw na lang, pakiramdam ko, ako ang taga-solusyon ng mga problema nila sa buhay. Minsan, gustong-gusto ko nang lumayas na lang at hindi na magpakita pa. Pagod na pagod na ako. Ayoko na.

Masaya at masagana naman ang pamumuhay namin dati — noong naghahanapbuhay bilang OFW si Tatay. Hindi bumababa sa apatnapu’t limang libong piso ang ipinapadala niyang pera kada buwan kay Nanay. Sobra-sobra pa kung tutuusin ‘yon sa lahat ng gastusin namin sa bahay. Nakapag-aral kaming lima na magkakapatid sa isang pribadong paaralan. Kaya lang, nagsimulang magbago ang lahat dahil sa ‘di inaasahang pangyayari. Nagkasakit si Tatay sa ibang bansa. Kusa siyang pinabalik sa Pilipinas ng kanyang employer dahil hindi na raw siya pwedeng magtrabaho pa. Ilang buwan kaming namalagi sa ospital. Unti-unti ay naubos ang perang ipinundar niya para sa pamilya namin. Lahat ng mga mamahaling kasangkapan sa bahay ay naibenta na rin, maging ang bahay mismo. Ang pinakanakalulungkot sa lahat, nang ‘di kalaunan ay binawi rin siya mula sa’min.

Simula nang namatay si Tatay ay parang namatayan na rin ng pag-asa ang aming pamilya. Nag-asawa nang maaga si Ate. Ang asawa niya ay naging isang dakilang palamunin pa sa bahay. Ang tatlo ko pang nakababatang mga kapatid ay pahinto-hinto sa pag-aaral. Mabuti na lang at nakapagtapos ako sa kolehiyo, pero ang kaakibat naman nito ay ang pagsalo ko ng isang malaking responsibilidad. Ako ang naging breadwinner ng pamilya namin.

Noong una ay nakakayanan ko pa. Pero habang lumilipas ang mga buwan at taon ay tila hindi na naging makatarungan ang lahat para sa akin. Sa akin umaasa sina Nanay at ang mga kapatid ko. Hindi gaanong kalakihan ang sinasahod ko kaya sa tuwing sweldo ay sumasakit ang ulo ko kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita sa trabaho.

Minsan natatagpuan ko na lang ang sarili kong umiiyak habang nakatingala sa langit. Kailan pa kaya matatapos ang paghihirap namin? Kailan ko pa kaya mararanasan ang kalayaan mula sa napakamasalimuot naming pamumuhay?

“Oy, Mands, tara! Lunch break na.”

Para akong nagising sa bangungot nang dahil sa tawag ng officemate kong si Vina. “H-ha?”

“Lutang ka na naman, girl. Napagod ka na naman sa biyahe, ano? Sabi ko na kasi sa’yong mag-board ka na lang. May bakante ngayon sa boarding house namin. Try mo kasi nang makatipid ka rin sa pamasahe.”

Pumayag ako sa alok ni Vina. Siguro nga, ito na ang hudyat para lumaya ako sa tila hawlang kinalalagyan ko ngayon.

Pag-uwi ko ng bahay ay agad na akong nag-empake.

“Anak, saan ka pupunta?” tanong ni Nanay nang pumasok siya sa maliit naming kwarto.

“May nahanap po akong mauupahan malapit lang sa pinagtatrabahuhan ko, Nay. ‘Wag po kayong mag-alala. Dadalaw naman po ako rito. At saka, ang ambag ko rito sa bahay, gano’n pa rin naman. Iaabot ko po iyon sa inyo kada sweldo.”

Hindi nakapagsalita si Nanay bagkus ay niyakap niya lang ako nang mahigpit. Tumulo ang luha ko nang marinig ko ang paghikbi niya. Masakit para sa’kin pero dapat ko itong gawin. Hindi ko na yata kakayanin pa ang tumira kasama sila na ganito ang sitwasyon namin sa buhay. Ayaw ko na talaga rito sa bahay. Sawang-sawa na ako sa kakaisip ng mga solusyon sa problema namin. Ang gusto ko lang naman ay magkaroon ng tahimik na pamumuhay. Gusto kong tumakas at maging malaya kahit na mag-isa ko na lang na haharapin ang bawat bukas. Para sa kanila naman lahat itong ginagawa ko.

Ilang buwan din bago ako nakapag-adjust na mawalay sa pamilya ko. Aminado akong nami-miss ko ang maingay na eksena sa bahay araw-araw, lalong-lalo na ang boses ni Nanay.

“Kailan ka uuwi? Hinahanap ka na ni Nanay.”

“Nag-aalala na si Nanay sa’yo. Tumawag ka naman kahit isang beses lang.”

“Nasaan ka na raw, tanong ni Nanay.”

Ilan lang ang mga iyan sa mga text messages na pinapadala ni Ate sa akin. Pero ni minsan ay hindi ako nag-reply. Mag-iisang taon na akong umuupa pero dalawang beses lang akong nakauwi sa bahay. Kapag sweldo, ipinapasok ko na lang sa ATM account ni Nanay ang mahigit sa kahalati ng sinasahod ko kasunod ng simpleng text message na may padala na ako. Wala akong pinagsabihan sa kanila kung saan ako umuupa at salamat na lang dahil hindi rin nila alam ang eksaktong lugar kung saan ako nag-oopisina. Ayokong lamunin ako ng aking kahinaan kapag nakita sila. Ginusto ko ito kaya paninindigan ko.

“Amanda, hindi ka ba uuwi sa inyo?” naitanong ni Mrs. Velez, ang landlady namin. Isang linggo bago sumapit ang Pasko ay nagsi-uwian na halos lahat ng aking mga boardmates. Ang iba, katatapos lang ng exam at ang iba na katulad kong nagtatrabaho ay nagbakasyon na sa kani-kanilang mga probinsya. Tatatlo na lang kaming natira sa boarding house.

“Ah, hindi po, Mrs. Velez. Sayang din po kasi ang pamasahe. Sa susunod na lang po kapag nakaluwag-luwag na ako,” pagdadahilan ko.

Kinapa ni Mrs. Velez ang bulsa ng suot niyang bestida, may dinukot mula roon at saka iniabot sa’kin. “O heto. Pagpasensyahan mo na itong kaunting maitutulong ko sa’yo,” sabi niya sabay ipit sa kamay ko ng limandaang piso. “At alam kong hindi lang iyan ang rason kung bakit ayaw mong umuwi sa inyo,” dagdag pa niya. Alam ni Mrs. Velez ang kwento ng buong buhay ko. Sa kanya ako naglalabas ng sama ng loob noong bago pa lang akong nangungupahan dito.

“Hija, alalahanin mong pamilya mo pa rin sila. Sila ang karugtong ng buhay mo. Matutuwa ang nanay mo kapag nakita ka niya. Kaya sige na, dalawin mo na sila.”

Dala ng magkahalong tuwa at pangungulila ay nayakap ko si Mrs. Velez. Hindi ko napigilang maiyak dahil naisip ko si Nanay at ang mga kapatid ko. Bigla, may kung anong kumurot sa puso ko. Noong wala ako sa tabi ni Nanay, nakakainom kaya siya ng gamot niya sa tamang oras? Nakakakain ba silang lahat ng tatlong beses sa isang araw? Nakakatulog kaya sila nang maayos kapag gabi? May nagpapatahan ba sa bunso kong kapatid kapag umiiyak ito?

Nang araw ding iyon ay nag-empake na ako ng mga gamit at nagpaalam kay Mrs. Velez. Sapat na siguro ang halos isang taon para malaman ko sa aking sarili na kahit ano pa man ang hirap at problema, iba pa rin na kapiling mo ang pamilya. Ngayon, handa na akong buhatin ang bigat ng nakadagang responsibilidad sa akin na kasama ko ang aking mga mahal sa buhay.

***

Bitbit ang malaki kong bag at kahon ng nakayanan kong pasalubong, napahinto ako sa talipapa ng bayan namin nang mapansin ko ang mga nagkukumpulang tao sa gitna ng kalsada. Parang niyanig ang mundo ko nang marinig ang iyak ng isang batang lalaki. Boses iyon ni Biboy, ang bunso kong kapatid. Pabagsak kong iniwan ang mga dala ko sa aking kinatatayuan at patakbong dinaluhan ang aking kapatid. Umiiyak siya habang nakayakap kay Nanay na nakahandusay sa lupa, putlang-putla ang mukha, at walang malay.

Dinala namin si Nanay sa pinakamalapit na ospital sa bayan, ngunit huli na ang lahat. Alas dos ng hapon nang ipahayag ng doktor na wala na siya. Wala na ang pinakamamahal kong ina.

“Anong karapatan mo at nagpakita ka pa rito?” galit na sabi ni Ate sa akin nang matagpuan niya ako sa tapat ng Emergency Room. Nagbabadya ang mga luha nito sa mata.

“Alam mo ba na ikaw ang dahilan kung bakit na-stroke at namatay si Nanay?” patuloy niya. “Halos araw-araw nililibot niya ang buong bayan, umulan man o umaraw, dahil umaasa siya na matatagpuan ka niya. Kahit anong paalala naming unahin niya ang sarili, hindi siya nakinig. Kasi panata niya raw iyon. Dahil sa tuwing nagpapadala ka ng pera na walang katiyakan kung saang lupalop ka naroroon, sinisisi niya ang sarili niya na naging mahina siyang ina at ipinasa ang lahat ng responsibilidad sa iyo. Wala ka bang hiya sa sarili mo? Akala mo ba pera lang ang habol ni Nanay sa ‘yo?”

“Bakit, Ate?” sinalubong ng nag-iinit kong mga mata ang kaniyang titig. “Hindi ba totoo naman iyon? Mula nang mawala si Tatay, nagbago na ang lahat. Hindi lang gumuho ang tahanan natin nang mawala ang haligi nito, naging madilim din. Sinikap kong makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho para ibalik sa dati ang lahat, pero hindi ko kaya. Hindi ko kinaya. Mahina rin ako. Eh, ikaw, ano ang ginawa mo? Ninyo? Ang nakikita niyo lang kasi ay ang pagkakamali ko. Hindi niyo alam kung gaano kahirap para sa’kin ang mamuhay nang mag-isa.” Nagsimulang pumatak ang mga luha ko. “Pero kinailangan ko ‘yong gawin para makapag-isip, alang-alang sa pamilya natin. Ate, pagod na pagod na ‘ko!”

Sandaling natigilan si Ate. Ang galit niyang mukha ay napalitan ng pagkabigla. “Hindi lang ikaw ang napapagod, Amanda.” Bahagyang bumaba ang tono niya. “Oo, minsan akong nagkamali. Hindi ako naging perpektong panganay na anak o ate sa inyo, pero ‘wag mong sabihin na wala akong ginawa. Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral at wala akong hanapbuhay na gaya mo, pero sinikap kong maging katuwang ni Nanay sa bahay. Nagpasok ako ng dagdag na problema sa bahay, oo, inaamin ko, pero sana naman naisip mo rin na sinubukan ko ring bumangon mula sa pagkakalugmok. Nagkataon lang talaga na ikaw lang ang nakita kong makakapitan, kasi akala ko, naiintindihan mo ako. Pero ‘wag kang mag-aalala. Tutal wala na rin naman si Nanay, wala nang dahilan para magkaroon pa tayo ng ugnayan. Malaya ka na ngayon, Amanda. ‘Di ba ‘yan naman ang gusto mo?”

“Ate, hindi na ito ang panahon para magsisihan. Nagbalik ako dahil napag-isip-isip ko na nagkamali ako nang iwan ko kayo at nang balewalain ko ang pag-aalala ni Nanay. Pinagsisisihan ko na ang lahat. Kahit anong mangyari, pamilya tayo.”

“Pamilya? Wala na ‘yang silbi dahil wala ka nang pamilyang babalikan. Wala na si Nanay, kaya hindi na mabubuo kailanman ang gumuho at madilim na tahanang iniwan mo. Umalis ka na. Hindi ka na namin kailangan pa rito. Hayaan mo at makakayanan din namin ang lahat ng ito na hindi ka kasama.”

Para akong sinaksak sa dibdib dahil sa mga binitiwang salita ni Ate. Naging makasarili ako. Ako ang dahilan kung bakit wala na si Nanay. Dapat ay masaya ako dahil sa wakas ay makakamit ko na rin ang kalayaang matagal ko nang inaasam. Magagawa ko na ang mga bagay na gusto kong gawin. Makakapunta na ako sa mga lugar na gusto kong pasyalan. Mabibili ko na ang mga bagay na gusto ko para sa aking sarili. Magagawa ko na ang lahat na walang inaalalang iba. Malaya na nga ako ngayon ngunit ang puso at isipan ko ay habang buhay nang nakatali sa pamilya ko. Dahil sila ang rason kung bakit hanggang ngayon ay nabubuhay pa rin ako. Sa kanila ako nanggaling at sa kanila rin ako babalik.

Nang ilabas ang walang buhay na katawan ni Nanay mula sa Emergency Room ay sumunod na sina Ate at iba pa naming mga kapatid sa mga nurse na nagtutulak ng stretcher patungo sa morgue. Wala kahit isa sa kanila ang pumansin pa sa akin kaya nanatili na lamang ako sa aking kinatatayuan. Parang bumalik sa akin ang lahat. Nabulag ako sa mga makabuluhang pagkakataon na kasa-kasama ko sila. Nagkamali ako, dahil mas pinagtuunan ko ng pansin ang mga bagay at pangyayari na siyang nagpapahirap sa amin, sa akin. Akala ko wala nang patutunguhan ang buhay, ngunit mali ako.

Humakbang ako pasunod sa kanila, ngunit agad din akong natigilan at nagkasya na lamang akong tanawin sila. “Sana balang araw, mapatawad niyo rin ako,” nasabi ko sa aking sarili habang walang tigil sa pagbalong ang aking mga luha. “Nanay, mga kapatid ko, mahal na mahal ko kayong lahat.”

 

THIS FEATURED FICTION IS THE PRODUCT OF SBC-STORPPY WRITING WORKSHOP. copyright. ginalyn bianan. all rights reserved

_______________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: From the City of Smiles, Bacolod, Gin-gin or Bee-bee to her colleagues is a LaSallian graduate of BS Management Accounting. At twenty-four, she believes that love will find her in the most magical and unexpected way. A wallflower at times, she prefers staying at home – reading books, writing stories and listening to good music during weekends rather than being somewhere else. She’s obsessed with the color blue. She loves daydreaming and getting lost in her own world of fiction.  You can find her other stories online at www.wattpad.com/user/ginagin07.

5 thoughts on “Breadwinner by Ginalyn Bianan”

  1. anTaray – La salle ^^

    Liked by 1 person

  2. ^_^

    Like

  3. Love this lines…

    “Hindi ba totoo naman iyon? Mula nang mawala si Tatay, nagbago na ang lahat. Hindi lang gumuho ang tahanan natin nang mawala ang haligi nito, naging madilim din. Sinikap kong makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho para ibalik sa dati ang lahat, pero hindi ko kaya. Hindi ko kinaya. Mahina rin ako. Eh, ikaw, ano ang ginawa mo? Ninyo? Ang nakikita niyo lang kasi ay ang pagkakamali ko. Hindi niyo alam kung gaano kahirap para sa’kin ang mamuhay nang mag-isa.”

    Nakarelate ako promise…

    Liked by 1 person

  4. congrats! 🙂

    Liked by 1 person

  5. Ang ganda Gin, muntik na akong maiyak. Ang sakit sa heart
    Congrats bhe

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s