Sorgere! by Aichinita

sbc-storppy-Sorgere

Umalingawngaw ang putok ng baril sa buong field, tanda na umpisa na ang ensayong kalarawan ng running event na gaganapin sa aming unibersidad. Buong lakas at bilis akong tumakbo, habang ang mga mata ko ay nakatuon naman nang diretso sa malayo, tinatanaw ang aking pangarap. Bilang atleta, isa sa mga layunin ko ay makauwi ng medalya at karangalan para sa aming unibersidad. Bilang estudyante at scholar naman, hangad ko ang makapagtapos, ang mabigyan ng ikakasiya ang aking mga magulang, lalo na ang aking tatay. Bagaman sa simula’t sapul ay kontra na siya sa pasya kong magpatuloy sa pag-aaral, siya pa rin ang pangunahing tao na inaalalayan ko ng aking tagumpay.

Pero, tama nga kaya si Tatay? Tama nga kaya ang sinabi niya na hindi ko makakaya ang hirap na pagsabayin ang pag-aaral at trabaho? Pinapatay ko lang daw kasi ang sarili ko. Parang gusto ko nang maniwala lalo pa’t ngayon ay sunud-sunod ang problema ko. May isa kasi akong subject na kailangan kong habulin para makapasa. Bilang estudyante mula sa Athlete Department, pwedeng dahilan iyon para matanggal ang scholarship ko. Bukod doon, pinapaalis na ako sa isa kong part-time job dahil sa pagpapalit ng management. Ang pagiging trolley boy ko naman, pa-end of contract na. Bakit ngayon pa nangyari ito ngayong may utang pa ako nang dalawang buwan sa tinutuluyan kong kwarto? Napapagod na ako! Hindi ko na alam ang gagawin ko.

Nanlabo ang paningin ko dahil sa mga luhang gustong kumawala sa mga mata ko. Pinahid ko ang aking mga mata sa pawisan kong braso para pigilin ang pagbagsak ng aking luha, ngunit kasabay niyon ang pagbagsak ko.

“Sorgere!”

Napapitlag ako at napatingin sa sumigaw ng apelyido ko. Si Coach. “What the hell are you doing? Get up!” Parang tigre ang mga titig niya sa akin. “Keep your focus, Orlando. May problema ka ba?”

Agad akong tumayo. “Sorry, Coach, natalisod lang,” pagsisinungaling ko.

Umiling si Coach at inakbayan ako. “Come, let’s go there,” aniya sabay hakbang patungo sa bench sa gilid ng running field.

May ilang sandali rin kaming tahimik na nakaupo at nakatingin sa mga estudyanteng patuloy na tumatakbo.

“Speak up,” sabi niya.

“C-Coach?”

“Anong problema? Makikinig ako.” Ngumiti siya.

Ganito naman si Coach. Kapag lumalaban kami o nasa praktis, parang tigre, nakakatakot. Pero sa likod ng matapang niyang mukha, naroon ang damdamin bilang ama sa aming atleta niya.

Hindi na ako nahiya dahil parang ama ko na rin siya kaya sinabi ko na sa kaniya ang lahat ng problema ko. Tahimik lang siyang nakinig hanggang sa matapos ako. “Pagod na pagod na ako, Coach. Di ko na kaya–”

“Sorgere!” saway niya. Muntik ko nang malimutan, bawal kay coach ang mga salitang konektado sa pagod at pagsuko.

“Sorgere,” ulit niya. “Rise. Hindi ba iyan ang katumbas na salita ng apelyido mo sa salitang Italyano?”

Marahan akong tumango. Ang totoo, si Coach lang naman ang nagsabi niyon sa akin noong pumasok akong maging atleta. Kapag galit nga siya, nag-aastang Italyano pa siya sa pagbigkas ng apelyido ko.

“Ito ang isipin mo,” patuloy niya. “Kung dati, nairaos mo at napagsikapan ang pag-aaral sa high school, ngayon pa kaya?” Tinatapik-tapik niya ako sa balikat. “Kung nakaya mo ang lahat ng mga balakid noong mas bata ka pa at mahina, walang dahilan para hindi mo makaya ngayon.”

Napailing ako. “Ewan ko, Coach. Siguro, kung makita ko man lang ang ngiti sa mukha ni Tatay, ‘yong gaya nito na binibigyan niya ako ng moral support, baka makaya ko pa. Kaya lang parang wala lang sa kanya.”

“Orlando, son,” sabi ni Coach. “You’ve already come this far… sayang kung hindi mo ipagpapatuloy. Parang sa pagtakbo, maraming balakid, maraming nakaharang sa dinadaanan mo. Nariyang madarapa ka. Pero lahat ng pagdurusa ay may kaakibat na saya sa bandang hulihan. Kung ‘di ka tatayo at patuloy na umusad hindi mo iyon malalampasan at higit sa lahat wala kang mararating. Kaya sige lang, ituloy mo lang ang laban. Bawal ang sumuko. Tumayo ka at harapin ang malaking pagsubok na ito sa iyong buhay.”

Humugot ako ng malalim na paghinga at nanatiling tahimik.

“Sorgere!” agaw-pansin ni Coach. Bumalik na naman ang mala-tigre niyang titig. “Ang sabi ko, tumayo ka.”

“C-Coach?”

“Lahat ng bagay ay kaya nating gawin. Nasa tao lang ‘yan, kung magpapatalo  ka sa kahinaan ng loob. Kung mahina ang loob mo, walang mangyayari sa iyong buhay. Get up! Sampung ikot sa buong field dahil sa pahinga mo ngayon. It’s not time for resting. Hala, takbo!”

Ngumiti ako. “Yes, Coach!” Saka ako tumayo at humanda na muli sa pagtakbo.

Tumayo na rin si Coach at nagsalita nang malakas para sa aming lahat, “Everybody, we’re going to a big competition. Run with all your might!”

“Yes, Coach!” sabay-sabay naming sagot.

Muli na akong  tumakbo sa field. Sa aking pagtakbo ay kasabay namang nilipad nito ang isip ko. Muli kong naalala ang aking tatay at ang tagpo noong huli akong umuwi sa amin at kausapin siya.

“‘Tay, sana mapanood mo ako ngayong Sabado. Tatakbo po ako para sa isa sa pinakamalaking palarong gaganapin sa Unibersidad. Sana nandoon kayo, ‘Tay,” nangingilid ang mga luha ko nang sabihin ko iyon sa kaniya. “Pangako, kapag nakamit ko ang gintong medalya, iaalay ko po sa inyo iyon,” sabi ko at agad na pinunasan ang luhang biglang tumulo sa aking mga mata.

“Orlando!” tawag ng pamilyar na boses. Bumilis ang tibok ng puso ko, pero hindi ko iyon inintindi at patuloy ako sa pagtakbo. Marahil ay nananaginip lang ako nang gising. Ang tinig na iyon ay hindi ko maririnig kahit kailanman lalo pa sa lugar na ito.

Imposible talaga. Pero sa puso ko, nangangarap pa rin akong darating siya sa laban ko. Hindi na talaga ako nadala! Umaasa na naman ako, kahit pa nga nangyari na rin ito noon. Noong high school ako, inabot ko ang isang sulat sa kaniya. Patunay iyon na isa ako sa mga makakapagtapos sa taong iyon. Akala ko, matutuwa siya. Magiging proud na kahit wala ang suporta niya ay naitaguyod ko pa rin ang aking pag-aaral. Pero nasaktan lang ako. Tinapon niya ang imbitasyon nang hindi man lang nakikita ang aking pangalan. Dahil sa tindi ng pagdaramdam ko, nakapagtaas ako ng boses sa kaniya.

“Tay, bakit ka ba ganyan? Ang ibang ama, halos maglumuhod pa sa kanilang mga anak para lang umayos sa pag-aaral. Pero ikaw…” Napailing ako. “Nagsikap akong mag-aral kahit wala ang suporta nyo. Hindi ko kayo inobliga. Pero ni minsan, kahit minsan, hindi ko man lang narinig sa inyo kung okay ba ako. Hindi ko man lang narinig sa inyo ‘Oh, anak, naubos mo ba ang benta mong biko para may pang-baon ka?’ Di nyo man lang kinumusta kung nakakapag-aral ba akong mabuti kahit kulang-kulang ang mga gamit ko sa paaralan. Tapos ngayon, kahit sa pagtatapos ko wala pa rin kayong kagana-gana?”

Gulat na napatingin sa’kin ang aking ama. Hindi rin makapaniwala sa bigla kong pagsagot. Kumuyom ang mga kamay niya at gigil na nilapitan ako.

“At anong gusto mo, matuwa ako? E, ano kung nandiyan ang pangalan mo? Hindi pa rin sapat iyan para magtagumpay ka, lalo na ang yumaman! Pustahan tayo, babagsak ka pa rin bilang manggagawa o trabahador. Nagsasayang ka lang ng oras at pera. At sa halip na tulungan mo ako sa palayan, iyan ang inaasikaso mo. Wala kang silbi!”

“Tama na iyan…” saway ni Mamang kay Tatay. Pumagitna ang aking madrasta sa aming mag-ama.

“Ipinagtatanggol mo pa iyan? Sige, magkampihan kayo ng walang silbing ‘yan. Manang-mana kasi iyan sa ina niyang walang kwenta!” singhal ni Tatay kay Mamang. “Oh, siya, lumayas ka na rin,” baling niya sa akin. “Malakas na ang loob mo nakatanggap ka lang ng katibayang makakapagtapos ka? Kaya ngayon sinisigawan mo ang ama mong mangmang at hamak? Iyan ba ang itinuro sa iyo ng paaralan? Walang kwenta! Mana ka talaga sa walanghiya mong nanay. Mabuti pa nga ang umalis ka na rin para wala nang naiwang alaala ang masamang babaeng iyon!”

“Iyan ba ang dahilan kaya galit kayo sa akin? Tay, hindi ko ‘yon kasalanan. Hindi ko kasalanang anak ako ng babaeng nang-iwan sa inyo. Isa pa, ‘wag niyong ibuhos ang lahat ng sisi kay Nanay. Akala nyo hindi ko alam? Hindi lang si Nanay ang may kasalanan, ‘Tay. Dahil kayo… kayo ang naunang gumawa ng kababalaghan kaya siya napagod at tuluyan tayong iniwan!”

Akma akong sasampalin ni Tatay ngunit humarang si Mamang. Sila na ang nagkasagutan hanggang si Tatay na ang sumuko at lumabas ng bahay. Hilam sa luha ang pangalawa kong ina.

“Pagpasyensyahan mo na ang tatay mo, Orlando. Mainit lang ang ulo dahil nagkaproblema sila ngayon sa palayan.” Niyakap niya ako at tuluyan na akong napaiyak.

Si Mamang, kahit hindi ko siya tunay na ina ay buo ang pagmamahal niya sa akin. Nagsisikap siyang kahit papaano ay masuportahan ako sa aking mga pangarap. Maraming beses, lihim niya akong pinupuntahan sa boarding house para mabigyan ako ng tulong. Sabi niya, ipinangako niya sa sariling gagawin niya ang lahat para lang mapatawad ko siya. Sinisisi niya kasi ang sarili dahil siya ang isa sa mga naging dahilan ng away at paghihiwalay ng aking mga magulang.

“Nagmahal ako pero naging makasarili rin.” Naalala ko pang sinabi niya iyon sa akin dati. “Sana ay bigyan mo ako ng pagkakataong makabawi para mabawasan ang kasalanang nagawa ko sa iyo. Patawarin mo ako, Lando, anak.”

Matagal na po kitang napatawad, Mamang. Matagal ka na pong nakabawi sa akin. Isa ka sa dahilan kung bakit nagpipilit pa rin akong tumayo kahit lagi akong nadarapa. Kaya pilit akong tumatakbo ngayon ay dahil sa alam kong may isang taong naniniwala at nagmamahal sa akin. Muli na namang tumulo ang luha ko. Salamat na lang at mabilis akong tumatakbo, walang makakapansin sa pag-iyak ko.

“Anak! Orlando!” alingawngaw ng magkasabay na boses na iyon ng babae at lalaki. Pilit akong lumingon sa direksyong pinanggalingan ng tawag. Nadapa tuloy ako.

“Tayo!” sigaw ng tinig ng Tatay ko. “Tumayo ka at lumaban!”

Tila nanumbalik ang aking lakas. Mabilis akong tumayo at lumingon. Hindi ito panaginip. Si Tatay at Mamang, narito sila!

“Takbo, Orlando. Galingan mo!” sigaw ni Tatay.

Ngumiti ako at tumango kay Tatay. Hindi pa ito ang aktuwal na laban, pero pakiramdam ko, nasa kompetisyon na ako ngayon. Tumakbo ako nang mabilis para habulin ang nangunguna kong kasamahan. Kailangan kong magpakitang-gilas kay Tatay. Ito ang gusto ko noon pa man. Ang ipagmalaki niya ako.

***

“Takbo, Orlando. Galingan mo!” Paulit-ulit iyon sa aking isipan habang patuloy ako sa matuling pagtakbo. Tuluy-tuloy lang ako, hindi ako susuko.

Namalayan ko na lang ang malakas na hiyawan. Kasunod ng pagsalubong sa akin ni Coach. Ako pala ang nanalo. Hindi ko namalayan dahil napasobra ako ng takbo.

“Sorgere!” tawag ni Coach na parang Italyano. Ganoon iyon kapag galit na, pero pagharap ko sa kaniya ay nakangiti siya at agad akong nilapitan, kasunod ng mga ka-team ko. Binuhat nila ako.

Anong saya ko. Parang slow motion ang lahat. Lumapit sa akin sina Tatay at Mamang. Sabay nila akong niyakap nang buong higpit nang ibaba ako ng mga kasama ko. Hindi na ako nahiya kahit pa para na akong batang umiiyak sa field. Ngayon ko lang ulit naramdaman ang yakap ng aking Tatay. Ngayon ko lang din nakita ang kanyang ngiti na para lang talaga sa’kin.

“Anak ko ‘to! Anak ko ‘to!” Naluluhang sabi ni Tatay. Sabay may iniabot siya sa akin. Isang sobre.

“Tay, ano ito?”

“Buksan mo,” sabi niya. Inakbayan niya ang Mamang.

Binuksan ko ang sobre, at nakita ko ang titulo ng aming lupa… nakapangalan sa akin!

“Tay, bakit, a…anong ibig sabihin nito?”

“Ikaw ang karapatdapat na magmay-ari ng lupa natin. Ngayong nasa pangalan mo na iyan, mas mapapanatag ang loob namin ng Mamang mo dahil nasa mabuting kamay na ang lahat ng pinaghirapan namin. Salamat sa pagiging mabuting anak kahit hindi ako naging mabuting ama sa loob ng mahabang panahon.”

“Wala na po ‘yon sa akin, ‘Tay. Mahal na mahal ko po kayo ni Mamang, at hindi na importante sa akin ang nakaraan. Ang mahalaga sa akin ay ang ngayon. Ito, itong oras na ito na masaya tayong magkakasama.” Muli, niyakap ko nang mahigpit ang aking Tatay at Mamang. Papawala na ang liwanag ng araw pagtingin ko sa kalangitan. Malapit nang gumabi. Pero alam ko, pagkatapos ng gabi ay may bagong umagang naghihintay. Bukas, babangon muli ang haring araw.

Copyright. aichinita. All rights reserved.

___________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: Ai is an Accounting graduate who has devoted most of her time raising her kids, namely, Marieve Viciel, Bonn Joshua, and Ellory Dayne. She is a loving and caring wife of 16 years to her husband, Froilan. Through the years she’s been into different crafts and hobbies till recently she has found love in writing stories. Now that she works as an OFW, she uses her free time in writing more stories. She may categorized herself as greenhorn to this field of writing but has already published stories and novels on Wattpad. Ai is the author of “Breaking Dawn” Vampire Genre and 11 more stories on Wattpad.

You can find Ai on the following sites:

Wattpad – @aichinita

Facebook – annie aichinita vallano

Aichinita’s bloghttps://aichinita.wordpress.com/

 

Advertisements

5 thoughts on “Sorgere! by Aichinita”

  1. Galing nito oh..congrats Ai!!

    Liked by 1 person

  2. naiiyak pa rin ako pag binabasa ko ang akin akda..

    Liked by 1 person

  3. A good story about struglles, hopes and dreams.XD. Kahit anong mangyari tuloy ang laban sa buhay. Rise and shine ika nga..

    Liked by 1 person

  4. struggles**

    Liked by 1 person

  5. Ang Ganda ng story nakakaiyak… Although di sila magkasundo ng tatay niya at plagi silang nagaaway. Ginawa niya pa rin ang lahat para maging proud sa Kanya ang tatay niya at naipanalo niya ung race in the end. Para sa mahal niyang AMA kahit na Hindi na somehow he’s not a really good father to him.

    Congrats dito sa story mo keep it up:)

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s