Sana Bukas Nasa Ibabaw Naman by Lea Brasil

SBC-StorPpy-Sana Bukas Nasa Ibabaw Naman

“Pangarap ko po ang makapagtapos ng pag-aaral. Iyon din ang pangarap sa akin ng mga magulang ko po, e. Ako raw po kasi ang pag-asa nila.”

 

May mga sandaling sumisikip ang dibdib ko sa tuwing nakikita ng dalawa kong mga mata ang reyalidad sa maliit na bayan na ito. Hindi magarbo ang pamumuhay ngunit kailangan mong magbatak ng buto may maihain lamang sa hapag-kainan. Sa maghapon na nakasama ko sila, nangingilid ang mga luhang naka-antabay lang sa’king mga mata, nag-dadalawang-isip kung tutulo ba o hindi.

“Kanino mo ibinibigay ang mga perang kinikita mo?” tanong ko kay Ismael, isang walong taong gulang na bata.

“Kay Nanay po,” sagot niya sa akin, nakatungo at iwas ang pagtingin sa’king mga mata.

“Ano ba ang gusto mong ‘maging’ kapag lumaki ka na?” tanong ko muli. Nakatutok sa kanya ang malaking kamera, habang malayo ang tingin ni Ismael, malalim ang isip sa tanong na narinig.

“Gusto ko pong maging engineer. O doktor.”

“Bakit?”

“Sabi kasi ni Tatay, engineer daw po ang tawag sa nag-aayos ng mga daan. Kaya po iyon, kasi gusto ko po sanang ayusin ang sirang tulay para hindi na nahihirapan yung mga ibang bata sa pagtawid ‘pag papasok sa eskwela.”

Natigilan ako sa narinig kong sagot ni Ismael. Pakiramdam ko, may kung anong tumusok sa puso ko. Hindi ko inaasahan na sa mura niyang edad, marunong na siyang mangarap hindi lang para sa kaniyang sarili, kundi para na rin sa ibang tulad niya na mayroon ding pangangailangan.

“E, bakit mo naman gustong maging doktor?” tugon ko, habang ang buo kong atensyon ay tutok na sa kaniya.

Tumingin siya sa mga mata ko ngunit agad ding umiwas na para bang nahihiya. “Gusto ko pong gamutin yung kapatid kong bulag,” mahina niyang sagot.

Nagpatuloy kami sa pagkuha ng mga bidyo, nakabuntot maghapon sa batang si Ismael. Habang tumatagal ay pumapanatag ang loob sa akin ng bata, lalong nagiging pala-kwento habang inililibot kami sa mallit nilang bayan na tinatawag na Sitio Marupok.

“Elsi,” tawag ni Dante, ang kasama ko na siyang kumukuha ng bidyo. “Magandang kuhaan yung dagat ‘pag papalubog na ang araw.”

Tumango lang ako at patuloy na sinundan si Ismael.

Nakilala ko ang mga magulang ni Ismael, sina Aling Felisima at Mang Julyo Mangalmot. Bakas ang kahirapan sa kanilang mukha, ang pagod nilang mga mata, ang payat nilang pangangatawan at ang masikip nilang tulugan. Sa kabila ng hirap na umiikot sa kanilang palad, matamis ang ngiti na nakapaskil sa kanilang mukha nang ako’y magpakilala.

Inayos ni Aling Felisima ang kawayan na sahig, pinunasan ng malinis na damit at saka ako inalok umupo. Nagkwentuhan kami, inilahad niya sa akin ang buhay sa lugar na iyon, ang araw-araw nilang gawain at ang mga pangarap nila na tila malabong maabot ng kanilang mga kamay.

Sa ilang oras na usapan namin ng pamilya Mangalmot, may ningning sa mga mata ni Ismael nang ako naman ang mag-kwento tungkol sa buhay sa Maynila. Sinabi kong isa akong estudyante na magtatapos na ngayong darating na Marso. Ikinatuwa nila ito, nakasalamin sa mga mata nila ang ligaya para sa akin na siya namang ikinasikip lalo ng dibdib ko.

Dalawa ang anak ng mag-asawang Mangalmot, si Ismael at ang bulag niyang kapatid na si Mary. Tulad ni Ismael, nahihiya pa sa una si Mary ngunit napalagay na rin ang loob pagkalipas ng ilang minuto.

“Anong gusto mong ‘maging’ pag malaki ka na?” tanong ko kay Mary.

Kimi siyang ngumiti. “Artista.”

“Magaling po siyang kumanta,” pagbibida ni Aling Felisima.

“Sige, kunwari may awdisyon ngayon para maging artista ka,” sabi ko, sa himig na nasasabik na marinig ang nahihiyang tinig ni Mary. Panay naman ang palakpak ni Ismael sa gilid, nakangisi, saka maingat na itinulak ang bunsong kapatid upang makumbinsing tumungo ito sa gitna ng hugis parihaba nilang tahanan. Si Mang Julyo ang umalalay sa bulag na anak para tumayo sa gitna. ‘Luha’ ng bandang Aegis ang kanyang kinanta.

Ang tinig ni Mary? Makapanindig-balahibo. Nanunuot ang mensahe niya diretso sa puso ko, sumisingit sa bawat ugat na bumubuo sa’king pagkatao. Nakakaiyak, nakakapanlumo, nakakapanghina. Hindi lamang tinig ni Mary ang narinig ng dalawa kong tainga, ngunit tinig ng lahat ng narito, iisang himig ang nais iparating, iisang pag-asa ang patuloy na hinahawakan.

 

***

 

Naramdaman ko ang maingat na pagtapik ni Dante sa likod ko. Pinahid ko ang luhang kanina pa gustong kumawala.

“Noong una,” sabi ko, “kaya ganito ang ideyang naisip ko, e para lang sana manalo. Para makuha yung first prize.”

Walang imik si Dante, tanging presensiya niya lang ang ramdam ko. Sa harap namin ay ang napakalawak na dagat. Ang alon nito ay pilit inaabot ang aming mga paa.

“Pero ngayon,” patuloy ko, “ang gusto ko, marinig ng lahat yung kwento nila, yung pag-asa na pilit nilang hindi binibitiwan.”

“Naantig ka?” tanong niya. Tumango naman ako.

“Magaling ka magsulat,” sabi pa ni Dante. “Kaya mong bigyang boses ang kwento nila, kaya mong isigaw ‘yong bulong nila. At ako naman, magaling ako kumuha ng larawan, kayang-kaya natin bigyang imahe iyong reyalidad nila rito.”

Natawa ako sa kanya. “Malalim ka rin pala. Kaya lang, di mo rin talaga mapigilan hindi magyabang e, ‘no?”

Si Dante na sikat sa unibersidad namin, hindi dahil sa siya ang pinakagwapo, dahil hindi naman talaga, kundi dahil sa siya ang pinakamagaling kumuha ng dokumentaryo o mga bidyo. Pasalamat nga ako na siya ang naging kapareha ko sa patimpalak na sinalihan ng aming departamento.

“Hindi ako si Dante kung hindi ako magyayabang, ikaw na rin nagsabi noon, di ba?” sagot niya sa’kin, may ngisi ang labi. Kapag nakangiti siya tulad ng ngiti niya ngayon, umaaliwalas ang mukha niya kasabay ng paggaan ng dibdib ko.

Kinuhaan na niya ang paligid, tutok sa kamera niya habang tutok naman ang atensyon ko sa kanya.

 

***

 

Entry number twelve. Marami ang nanonood, seryoso ang mukha ng mga hurado at nakapatong ang tatlong medalya sa lamesa, naghihintay para sa mananalo. Ika-limang taon na ito ng Aking Lente Film Festival na ginaganap tuwing Foundation day ng unibersidad.

“Mula naman sa likha nina Elsi Soriano at Dante Sebastian, isang dokumentaryong pinamagatang, Sana Bukas Nasa Ibabaw Naman.”

Nagpalakpakan ang mga manonood habang hinihintay magka-imahe ang itim na kulay ng malaking telebisyon. Ilang sandali pa, mula roo’y mabilis na umangat ang haring araw. Makikita ang tila pinabilis na paglipad ng mga kawan ng ibon sa kalangitan at maririnig ang pagaspas ng alon ng malawak na karagatan.

“Dito sa Sitio Marupok, nakilala ko si Ismael, isang walong taong gulang na bata na may simpleng pangarap.” Kasabay ng pag-ere ng tinig ko ay nakabungad sa malapad na telebisyon ang inosenteng mukha ni Ismael habang nakasakay sa maliit na bangka na ginawa lamang ng kanyang ama. “Tulad ng karamihan, marami siyang hiling, maraming binubulong na dalangin ngunit sa kabila ng mura niyang pag-iisip ay masyado nang hinog ang kanyang mga nais.”

Ngayon ay makikita ang papasisid sa dagat na si Ismael upang humuli ng mga makukulay na isda para ibenta.

“Ito po ang gawain ng mga taga-rito, manguha ng mga makukulay na isda para alagaan ng mga taga-Maynila,” kwento ni Ismael.

Makaraan ang ilang oras, umahon si Ismael sa dagat, ngunit walang laman ang plastik na dala.

“Wala kang nahuli?”

Umiling ang bata. “Wala po.”

“Paano na ‘yan?”

“Wala po akong babaunin kasi walang nahuli,” wika ni Ismael, may nahihiyang ngiti sa labi ngunit bakas ang lungkot doon.

Mula sa eksenang iyon, ay lumipat ang tagpo kung saan naglalakad si Ismael sa sirang tulay hanggang sa marating ang maliit nilang paaralan, habang maririnig ang aking tinig. “Mula sa yaring kawayan nilang tahanan ay sinamahan namin si Ismael sa eskwelahan na pinapasukan niya ngunit kinailangan pang tumawid muna sa nakakatakot na sirang tulay.”

“Gusto ko pong maging engineer. O doktor.” Ipinapakita sa bidyo ang nangangarap na mukha ni Ismael habang malayo ang tingin sa karagatan. “Sabi kasi ni Tatay, engineer daw po ang tawag sa nag-aayos ng mga daan. Gusto ko po sanang ayusin ang sirang tulay para hindi na nahihirapan yung mga ibang bata sa pagtawid ‘pag papasok sa eskwela.”

“Hindi magarbo ang buhay nina Ismael,” patuloy ng tinig kong nagsasalaysay, kasabay na ipinapakita ang mga eksenang sumasalamin sa bawat salitang aking binibitiwan. “Sanay sila sa walang kuryente at teknolohiya, tanging liwanag ng buwan lang ang tanglaw sa magdamag na gabi. Para akong bumalik sa nakaraan sa pagbisita ko sa tila nakatagong bayan na ito, sa mga panahon na nabubuhay ang mga tao na walang magarbong mga gamit. Kuntento na sila sa kung ano ang meron sa kanilang harap, sapat na nakakakain ng tatlong beses sa isang araw at may tahanang tinutulugan.

“Tulad ng karaniwang pamilyang Pilipino, matamis pa rin ang ngiti ng pamilya ni Ismael sa kabila ng paghihikahos nila sa buhay. Mangingisda ang ama at sa bahay lamang ang ina na umaaruga sa bunsong anak na walang paningin.”

“Ngitian mo na lang ang problema,” wika ni Aling Felisima, nakabungad ang mukha sa telebisyon. Bagaman may maliit na ngiti sa kanyang labi, nakasalamin sa malalim na mga mata ng ale ang pagtakas ng pag-asa. “Wala ka naman magagawa kung magrereklamo ka lang lagi. Basta araw-araw gumawa ka ng paraan para mabuhay ang mga anak mo, pu-pwede na iyon.” Pigil ang luha ni Aling Felisima ngunit nabibigyang-tinig ng kanyang mga labi ang nagsusumamo niyang damdamin.

Si Mang Julyo naman ang makikita sa bidyo, moreno ang balat at halos tuyong-tuyo ang mukha. “Simpre, naawa ako sa mga bata… Makikita mo sila na gumagawa rin ng paraan ba, para may pang-baon sa iskwila.” Nangingilid ang luha ni Mang Julyo, nanginginig ang labi. “Para sa isang ama… Masakit e. Wala rin naman akong magawa dahil lahat naman ng kinikita ko, buhos lahat sa pamilya. Ngayon, mahirap na mangisda, lalo’t tinataboy kami noong mga guwardya ng mga Intsik. Kanila raw iyong isla, e dati pa kami nangingisda d’yan. Parang… parang binawian kami ng hanapbuhay.”

Ngayon ay makikita ang kuha ni Dante sa pamilya Mangalmot habang salo-salong nagtatanghalian sa munti nilang hapag kasabay ng pagpapatuloy ng aking kwento. “Isang lata ng sardinas ang pinagsaluhan ng pamilya ni Ismael, dinamihan ang tubig upang maging sapat para sa aming lahat. Pati kami na bisita nila ay pinagsilbihan sa kabila ng kakulangan.

Maraming pangarap ang mga taga-rito sa Sitio Marupok. Nais nilang punan naman sana ng gobyerno ang mga sigaw nila na tila isang maliit lang na bulong ang umaabot pagdating sa mga kinauukulan. Si Mary, ang bulag na kapatid ni Ismael ay nangangarap maging isang artista at mang-aawit upang mai-ahon ang pamilya sa hirap.”

“Marami pong nanunukso sa eskwela sa’kin,” nahihiyang amin ni Mary sa harap ng kamera. “Bulag daw ako. Sabi ko po, ayos lang na bulag, magaling naman akong kumanta.”

Mahinang musika ng Aegis ang maririnig habang patuloy na ipinapakita ang kabuuan ng Sitio Marupok, ang malawak na karagatan at ang mga masasayang mukha ng mga naninirahan dito. Ang inosente at mataas na himig ni Mary na ngayo’y maririnig ang bumalot sa paligid. Sa aking puso, maliwanag ang ipinaparating na mensahe nito: Sana bukas nasa ibabaw naman.

Makikita ang mga nakatawang labi ng pamilya ni Ismael nang magpatuloy ang aking pahayag: “Si Ismael, ang imahe ng isang batang may hinog na pangarap na nakalimlim sa isipan. Pangarap hindi para sa sarili niya kung hindi para sa sariling bayan, para sa kabataang tulad niya.”

“Pangarap ko po ang makapagtapos ng pag-aaral. Iyon din ang pangarap sa akin ng mga magulang ko po, e. Ako raw po kasi ang pag-asa nila.” Kasunod ng puno ng pag-asang pahayag na ito ni Ismael ay mapapanood ang malinaw na kuha ng asul na karagatan. Sa isang sulok ay tila pinabilis ang paglubog ng haring araw habang naghihintay ng panibagong pag-asa ang mga tao sa pagsapit ng umaga.

Sana… bulong ng aking puso. Sana nga pagdating ng bukas, sila naman ang nasa ibabaw.

Copyright. lea brasil. All rights reserved.

___________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: Si Lea Brasil, dalwampu’t tatlong taong gulang, ay kasalukuyang nag-aaral sa kolehiyo sa kursong B.S. Computer Engineering. Mahilig siyang magbasa ng mga nobela at kung hindi naman siya nagbabasa ay nagsusulat siya. Una niyang nakahiligang magsulat ng mga tula bago matutong magsulat ng mga maikling kwento at nobela na ngayon ay nakalathala na sa Wattpad. Ilan sa kanyang mga kwento ay ang The Gray Area, Reviving Rafael at ang pinakabago ay ang Deadlock.

4 thoughts on “Sana Bukas Nasa Ibabaw Naman by Lea Brasil”

  1. ang galing…wow..

    Like

  2. super galing..babasahin ko pa ang mga writings niya…konti pa lang nababasa ko…hehe

    Like

  3. Napaiyak ako dito dahil as in totoo naman talaga ito sa mga nakikita ko sa document o assignment. Sa tv o .insider. sa mga indie film nakikita din ganitong uri na buhay…

    Ang lalim ang h nugutan ni maam lea..

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s