Mukha ng Katotohanan by Jheyemm08

sbc-storppy-Mukha ng katotothanan

Nakasakay ako noon sa jeep nang mahagip ng aking mata ang kanyang mukha. Trapik noon kaya napagmasdan ko siyang mabuti. Madungis siya — madumi. Magulo at napaka-ingay. Nangingibaw siya sa lahat dulot ng agaw-pansin niyang kasuotan. Kung anu-ano lang ang kanyang saplot na para bang tatak iyon ng mga pinagdaanan niya sa buhay. Pinagtagpi-tagping tela, papel at plastik na mapupulot lang sa kung saan-saan, na animo’y pananggalang niya sa init na dala ng matinding sikat ng araw sa umaga at lamig na dulot ng simoy ng gabi. Nais kong alisin ang tingin sa kanya sapagkat nasasaktan ako tuwing mapagmamasdan ko siya. Nahahabag ako, nanlulumo sa kapalarang sinapit ng isang tulad niya ngunit hindi ko maiwaksi ang aking mga mata. Marahil sa tapang na nakikita ko, sa determinasyon niyang bumangon, at ang pagpipilit niyang lumaban at tapatan ang hamon ng buhay ang patuloy na humuhugot ng aking atensyon.

“Kawawa naman,” piksi ng aking katabi habang iiling-iling. Ibinaling ko ang aking tingin sa kanya upang matuklasang parehas lang kami ng pinagmamasdan. Hindi ko alam kung ang pag-iling na iyon ay para sa kaniyang pagkadismaya at ­hindi pagsang-ayon sa nakikita o umaasa siyang sa bawat paggalaw ng kanyang ulo ay mawawala ang imahe sa kanyang harapan. “Sayang ang gandang nilipas na ng panahon.”

Gusto ko siyang sagutin. Gusto kong ituro sa kanya kung nasaan ang gandang hinanahanap niya. Gusto kong sabihin kung gaano siya nagkamali sa tinuran. Ang ganda niya’y di nilipas ng panahon. Ito ay sinira sa napakatagal na panahon. Gusto kong isigaw ang mga katagang iyon, hindi lang sa kanya kundi pati sa lahat ng makaririnig, pero nanatiling tikom ang aking bibig at napagtantong wala akong ipinagkaiba sa aking katabi.

Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga. Muli kong itinuon sa labas ang aking mata at ito’y napadako ulit sa kanya. Hindi ko alam pero parang namamagneto niya ang aking paningin na kahit pilit kong iiwas ay bumabalik ang mga ito sa kanya.

Punong-puno na siya ng usok, mula sa tambutso ng walang pakialam na sasakyan, hanggang sa usok na ibinubuga ng mga taong walang pakialam sa kanyang kalagayan. Ininda niya ang lahat nang iyon tulad ng kung paano niya ininda ang lahat. Halata sa kanyang katawan ang saklap na walang awang pinadanas sa kanya ng buhay. Muli kong itinuon ang aking mata sa kanyang mukha. Maaaninag mo doon ang gandang nalipasan na nga ng panahon. Ang dalisay na minsang naroroon ay hindi mo na makikita pa. Na sa likod ng bawat dungis ay ang alaalang minsan din niyang ikinarangal ang angkin niyang kagandahan. Na sa likod ng bawat ngiti ay nagtatago ang mga luhang ilang beses nang dumaloy sa kanyang mukha. Mapapansin na sa likod ng kahapisan ay ang kaalamang minsan sa kanyang buhay ay kinilala at iginalang rin siya ng mga tao. Mga tao? Oo, minsan siyang ipinagyabang ng mga ito. Ginamit ang kasikatan niya at ipinagmalaki sa iba. Hindi nila inalintana ang ginagawa ng karangyaang ito sa kanya. Ang mga taong minsan siyang ipinaglaban, ang mga taong minsan siyang minahal at iningatan, ang mga taong siya ring dumungis at umalipin sa kanya. Mga taong siyang nagbahid sa malinis niyang katawan, na ngayon ay animo kwadernong puno ng sulat at tinta. Mga taong siyang dahilan ng hapis at lungkot sa marumi at nakasusulasok niyang mukha. Ginamit siya ng mga ito at ngayon ay pinabayaan.

Napaisip ako. Marami sa kanyang kapatid ang sumusunod na rin sa kanyang yapak. Ang ilan sa mga ito ay malala pa ang kalagayan kaysa sa kanya. May ilang napabayaan ang sarili, may ilang nabaon na sa limot, at may ilang nawalan na nang pag-asa sa buhay. Natawa ako nang pagak. Kung tutuusin maswerte pa rin siya sapagkat may iilang mga taong kahit papaano’y lumalaban pa ring kasama niya. May ilang pilit pa rin siyang iginagapang.

Napatingin ako sa langit, papadilim na ngunit hindi pa rin halos nausad ang jeep na aking sinasakyan. Muli ko siyang tinitigan at ikinagulat ko ang pagbabagong unti-unting bumabalot sa kanya. Ang kanyang mukha na halos hindi ko maaninag dahil sa kapal ng pinaghalong usok mula sa mga sasakyan at mga taong walang humpay sa paghithit ng sigarilyo, ay unti-unting lumiliwanag dahil sa mga ilaw na isa isa nang nagbubukasan. Ang mga dumi ay hindi mo na mapapansin dahil sa unti-unting pagbalot ng dilim, na para bang handa itong ikubli ang anumang mga pangit na sikretong meron siya. Nagkakaroon na rin ng kulay ang kanyang mukha, iba-iba mula sa bahay aliwan sa paligid kung saan mula roo’y maririnig din ang malalakas at dumadagundong na tugtugin. Maingat akong nagmasid sa paligid, unti-unti nang gumagapang ang takot sa aking katawan. Tinignan ko siya nang may alerto sa aking mga mata dahil alam kong kasabay ng dilim ay ang pag-aligid sa kanya ng mga taong halang ang kaluluwa. Mga taong kasabay niyang bumagsak sa lipunan. Mga taong sa talim kumakapit, na siyang sumira at nagwasak sa maganda niyang pangalan.

“Wallet ko!”

Sabay sabay ang ginawa naming paglingon, tinunton ang pinagmulan ng sigaw ng hapis at kawalang pag-asa. Kumabog ang dibdib ko nang mapagmasdana ang lalaking mabilis nang tumatakbo papalayo sa babaeng walang nagawa kundi umatungal ng iyak. Nanginig ang aking buong katawan sa takot at galit. Galit para sa mga taong nagsawalang-bahala, para sa aking sarili na wala man lang ginawa, at sa kanya sapagkat kitang-kita ko ang ginawa niyang pagkubli sa lalaking halang ang kaluluwa. Nais kong damayan ang babae sa pag-iyak. Nais kong humikbi para sa nakaraang maaaring hindi ko na kailanman masisilayang muli.

Kapansin-pansin din na kasabay ng pagkakaroon ng kulay sa kanyang mukha ay ang paglabasan ng mga babaeng animo’y hindi alintana ang lamig ng simoy ng hangin sa maiksi nilang mga kasuotan. Pinagmasdan ko sila habang kasalo siya. Hindi ko lubos maisip kung paanong ang tulad niya ay papayag makisalamuha sa mga tulad nila, pero yun ang katotohanan. Sa dilim, sila ang kasama niya. Sila ang nagsilbi niyang kaibigan — mga taong kapit sa patalim, mga babaeng aliw ang puhunan, at mga batang walang mga magulang. Mga batang umaasa sa kaunting init na maipagkakaloob niya laban sa lamig na dulot ng gabi. Mga batang siya ang kinikilalang guro, magulang at tahanan. Mga batang uhaw sa kanyang mga yakap at pagkalinga. Mga kaawa-awang bata na walang ibang alam kundi ilahad ang kamay at magmakaawa. Wala siyang magawa kundi ibigay sa kanila ang kanyang unting maibibigay, kung mayroon pa man.

Umusad nang kaunti ang jeep kaya pansamantalang nawala sa kaniya ang aking paningin. Nguint napaisip ako dahil doon. Napakasaklap ng kanyang kalagayan. Masakit ang kanyang mga pinagdaanan. Naging malupit sa kanya ang kapalaran. Naramdaman ko na lang ang pangingilid ng aking mga luha. Bakit ngayon lang? naitanong ko sa aking sarili. Bakit sa tinagal ng panahon, ngayon ko lang ito napagtanto? Noon pa man, mula sa aking mga mata ay nasaksihan ko na ang lahat ng kanyang paghihirap, ngunit naging bulag ako. Ngayon, sa aking mga mata ay bumangon ang katotohanan. Sa akin din kayang mga mata ngayon ay muli itong maglalaho? Hindi lamang ako ang dati pa’y nakasaksi na sa kanyang kaawa-awang mukha, at sana tulad ko ngayon ay muling umahon ang kanilang pag-asa para sa pagbabago. Tulad ko sana ay umasa rin sila na may magliligtas sa kanya sa kinasadlakan niyang kapalaran. Ngunit, aasa na lang ba ako? Wag naman sana. Ngunit ‘yan ang masakit na katotohanan. Ano ba naman kasi ang magagawa ko?

Muli ko siyang nilingon at namangha sa aking nasaksihan. May grupo ng kabataan, mga mag-aaral na mukhang kagagaling lang sa paaralan. May bitbit silang mga kahon at bag na tela. Ilang sandali pa at pinapila nila ang mga bata sa lansangan, at isa-isang inabutan ng plastik na may lamang tinapay. Sa karampot na biyayang tinanggap, kitang-kita ko ang pagkasabik sa mukha ng mga batang lansangan — mga ngiting punong-puno ng pag-asa.

Ang mga mag-aaral na iyon… pilit nilang pinupunasan ang mga dungis sa kanyang mukha.

“Hindi pa huli ang lahat,” hindi ko namalayang namutawi iyon sa aking bibig.

“Hindi pa nga,” pagsang-ayon ng aking katabi. Napatingin ako sa kaniya at pagdaka’y sabay kaming napangiti.

Nagpatuloy na sa pag-abante ang jeep, at sa huling pagkakataon ay muli kong nilingon ang mukha ng Maynila kasabay ng bulong ng aking damdamin: Nasa kabataan pa rin talaga ang natitirang pag-asa.

Copyright. Jheyemm08. All rights reserved.

___________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: Mhay is a graduate from Polytechnic University of the Philippines – Sta. Mesa, batch 2013, with a degree in Bachelor of Science in Accountancy. She passed the CPA board examination the same year. She likes to think she did not just pass out of pure luck alone, but either way it’s a blessing and she is just so happy and thankful to God. She claims she is living a dream. She is currently working as a second year associate in one of the biggest auditing firms in the Philippines namely SGV & Co. She owns a bunch of hamsters and a cute love bird. She loves to draw, write, watch movies and dramas, and read English novels. She claims that those hobbies are her escape when she’s depressed and feeling a little sad or bored. She likes to write story that tackles social issues and anything that comes to mind. Ideas come from things she noticed, she watched or she witnessed. She would love to see her work/s in paperback someday but as of now she’s contented from the appreciation she receives from her readers.

You can find Mhay in the following sites:

Wattpad: @jheyemm08

Facebook: http://www.facebook.com/jheyemm08

Advertisements

2 thoughts on “Mukha ng Katotohanan by Jheyemm08”

  1. habang nagmumuni muni ka..ano nga bang maiisip mo? And gnda din ng isag ito..

    Like

  2. Pag ikaw ay tutulomg walang salitang HULI. Dahil ang tulomg laging simula.. pag ikaw ay tutulong doon magsimula ang lahat..kung ano ang patutungohan sa mabutin mong ginawa kahit munting bagay at isa na malaking bagay…

    Hindi lang kabataan ang pag asa ng bayan.. lahat matanda man o bata.. pag ikaw gagawa ng gabutihan ito na SIMULA AT PAGBABAGO..

    -bow-

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s