4 Thousand Miles by Aftermat

sbc-storppy-4 thousand miles

Alas-tres na ng madaling araw, hindi pa rin ako nakakatulog. Ang buong akala ko, kakayanin ko itong buhay rito nang mag-isa. Oo, kinakaya naman, pero grabeng tiis sa lungkot. Ilang linggo na ako rito pero nangungulila pa rin ako sa aking mga mahal sa buhay. Kung minsan, kusa na lang pumapatak ang mga luha ko nang hindi ko namamalayan, dala ng pinaghalong pagod sa trabaho at matinding pangungulila. Sa ganitong pagkakataon, inuulit-ulit ko na lang yung bilin ni Nanay sa ‘kin.

“Anak, kahit gaano kalayo mang distansya ang marating mo, basta ginagawa mo lang nang tama ang dapat mong gawin, magugustuhan mo na rin kung nasaan ka.”

“Pinipilit ko, Nay. Pinipilit ko…” bulong ko sa aking sarili habang walang tigil sa pagpatak ang aking luha…

Narinig ko ang matinis na tunog ng alarm ng cellphone ko. Napadilat ako at agad inabot iyon mula sa side table para i-off ang alarm at para makita ko na rin ang oras.

Naku, alas singko na pala! Di ko namalayan nakatulog din pala ako kakaiyak. Two hours? Two hours nga ba? Oo, pwede na yun basta nakaidlip. Babawi na lang ulit ako ng tulog mamayang gabi.

Binuksan ko ang bintana at pinapasok ang liwanag ng araw sa kwarto. Salamat sa Diyos sa panibagong araw na gumising pa ulit ako. Pagkatapos ay mabilis akong naligo at nagbihis para humanda papunta sa trabaho.

Mula sa inuupahang apartment namin ng mga kasamahan ko ring OFW ay nilalakad ko lang ang daan papuntang trabaho. Maswerte na rin at may nahanap ako na ganitong klaseng matutuluyan. Tatlo lang kami na puro babae sa apartment at may kanya-kanyang kwarto. Tahimik dahil hindi na naman nakauwi ang dalawa kong kasama. Nag-overtime na naman sila. Double job kasi, eh.

Ni-lock ko ang pintuan at nag-umpisa na akong baybayin ang kalsada papunta sa trabaho. Bawat madaanan kong mga gusali at mga sasakyan ay pinagmamasdan ko, pati lahat ng mga tao sa paligid. Lahat ay may kanya-kanyang pinagkakaabalahan sa buhay…

Ayan, konti na lang… tanaw ko na yung fastfood na pinapasukan ko. Mag-uumpisa na naman ang bagong hamon ng buhay.

Typical na umaga sa fastfood. Maraming nag-oopisina ang dumadaan dito para mag-agahan o bumili ng agahan na dadalhin nila sa trabaho. 7 am pa lang pero parang isang buong araw na agad ang naubos kong lakas sa paikut-ikot sa dining at balik sa kitchen section, tapos sa pag-assist sa customers. Ito ang daily routine ko. Madalas na paulit-ulit lang, pero hindi rin maiiwasan na may mga di inaasahang pangyayari.

Minsan, habang iniiwas kong mabangga sa ibang customers ang dala kong tray na puno ng pinagkainan, hindi sinasadyang natabig ko ang kape ng isang Arabong mukhang may mataas na katungkulan.

“Stupid girl,” bahagyang malakas na sabi ng Arabo. Tiningnan pa niya ako mula ulo hanggang paa. “Are you a Filipina? This is the only work you know, and yet you still fail at it? Good-for-nothing human — really stupid you are! Where’s your manager?”

Nanlamig ang buong katawan ko nang mga sandaling iyon. Parang ang liit-liit ko na pwede niyang pisain anumang oras niya gustuhin. Ganumpaman, panay ang sorry ko sa kaniya habang pinupulot ko ang mga nagsilaglagang pinagkainan mula sa hawak kong tray. Hindi ko malilimutang halos magpang-abot ang sipon at luha ko sa tagpong iyon dahil sa takot na matanggal ako sa trabaho kapag nakausap niya ang manager ko. Kulang na lang kaladkarin niya ako palabas ng kainan para kumpleto na ang kahihiyang dinanas ko. Mabuti na lang at mabait ang amo ko at ipinagtanggol niya ako. Pero sinabi niya sa akin na next time baka hindi na ganon, kaya kailangan ko ng ibayong pag-iingat. Naalala ko tuloy ang sabi ng tatay ko.

“Matuto ka sa pagkakamali mo. Kung minsan, nangyayari ang mga di inaasahang bagay na masasama, pero iyon naman ang magpapatatag sa iyo lalo pa kapag nalampasan mo na iyon.”

Ang nanay at tatay ko, sila na lang ang pinaghuhugutan ko ng lakas — at ang mga payo nila. Pakiramdam ko nag-iisa lang talaga ako rito dahil ang layu-layo ko sa mga mahal ko sa buhay.

“Haaay…” isang bitiw ng napakalalim na buntong-hininga, saka ako nagpatuloy sa nakakapagod na routine ng trabaho.

Naalala ko dati, pangarap naming magkakaibigan ang makarating sa bansang ito. Ang biruan pa nga namin, “Dubai-Dubai-tagumpai!” Oo, tagumpay marahil para sa mga naiwan at tumatanggap at nakikinabang sa sahod ng nagtatrabaho rito. Ang hind alam ng karamihan, sagrado ang bawat katumbas ng pisong kinikita ng bawat Pinoy OFW. Nakakabaliw ang pakiramdam na ang tingin sa iyo ay isang maliit na tao at utus-utusan lang. Parang hayop lang ang kapantay, dagdagan pa ng pangungulila. Mabuti at minsan sa isang linggo ay nakakapagkita-kita kaming mga OFW at nakakapagkwentuhan din. Kahit papaano, nababawasan nang konti ang lungkot ko.

Kung maririnig lang ng lahat ng mga tao ang kwento ng pagtitiyaga at pagsusumikap ng bawat OFW rito, tiyak na mai-inspire rin sila at hahanga kung paano kinakaya ng mga Pilipinong ito ang mga hirap at pangungulila. Ako nga na mas bata pa at wala pang pinagsusumikapang buhayin na asawa at mga anak, eh hirap na, sila pa kaya na may pamilyang dapat itaguyod. Sa ngayon, ang responsibilidad ko lang ay makapag-ipon kahit papaano at siyempre ang kusa kong tulong sa magulang ko para sa pagpapaaral ng kapatid ko na magtatapos na ng kolehiyo. Sana, makaya ko ito tulad ng mga kapwa-Pinoy workers ko.

***

Ang bilis ng mga araw. Mag-iisang taon na rin pala ako rito. Mahirap man ay masaya na rin dahil sa ganon katagal, eh napunuan ko ang kakarampot na kinikita ni Tatay para sustentuhan ang pag-aaral ng kapatid ko, at gayon din naman ang ginugol para sa pagpapagawa ng bahay namin. Hindi naman sa panunumbat o nagrereklamo, nagpapasalamat pa nga ako, eh. Kasi kahit na maliit lamang ang kinikita ng aking ama ay nagawa naman niya akong patungtungin ng college kahit isang taon lang. Hindi man ako nakapagtapos, malaking bagay na rin iyon. Dahil doon, kahit papaano eh nakapasok ako sa qualifications para makapag-apply bilang service crew rito sa abroad.

Umaga na naman. Panibagong pakikibaka na naman sa trabaho. Habang naglalakad ako papuntang fastfood ay may nakalaglag ng wallet na isang native Arab woman. Nasa may likuran lamang niya ako kaya pinulot ko ang wallet at ibinalik ko sa kanya.

“Oh, thank you, dear,” laking-tuwa na sabi ng ale. “You, a Filipina?”

“Yes, Filipina,” magalang na sagot ko.

“It also happens that the one taking care of my kids is a Filipina, too. You guys are great. You work well… you make life easy for us. So kind of you to return this, all my important ID’s and cards are here.”

Siyempre, taas-noo naman akong ngumiti. Sinong hindi masisiyahan na matawag na “great” ang mga Pinoy OFW na tulad ko? “Glad to hear that, ma’am.”

“Oh, by the way, if you want to earn extra during your free time, here’s my number. I will refer you to my friends whose looking for helpers and house cleaners. See, I don’t have extra right now…”

Di pa man siya tapos ay buong galak na akong nagpasalamat sa offer niyang sideline. Na-gets ko na kasi ang ibig niyang sabihin. Wala siyang pambigay ng cash or coins kasi wala nga siyang dala. Pero mas malaking bagay naman ang alok niya. Ayos, extra income sa extra time. Isa iyong unexpected blessing. Isang mabuting bagay.

***

Makalipas ang ilang linggo, dumating ang isang araw ng pahinga na nagising ako na sobrang sama ng pakiramdam ko. Hindi ako makalabas ng bahay dahil tinatrangkaso ako. Nag-umpisa na kasi ako ng double job, tumatanggap na ako ng house cleaning kapag may nire-refer sa akin si Mrs. Arazi, ang Arab woman na nagbigay ng contact number niya sa akin. Nabigla siguro ang katawan ko. Hindi ko tuloy makakasalamuha ngayon ang mga kababayan ko na nagsilbing tanging hingahan ko ng hinaing, at mga kahati ko rin sa tawa sa tagumpay na nakakaraos kami sa bawat araw ng pamamalagi namin dito.

Pipikit na sana ako para muling matulog nang mag-ring ang cellphone ko. Agad ko iyong dinampot. Himala! Ang aga yata ng tawag ng mga magulang ko ngayon?
Kadalasan kasi sa hapon sila tumatawag gawa na rin ng 4 hours time difference mula sa Pilipinas. Bigla tuloy akong kinabahan.

“Hello, Nay? Hello?” pilit kong pinasisigla ang boses ko.

“Hello, Ate Elaine, si Ella ‘to. May ibabalita ako sa ‘yo,” sagot ng kapatid ko.

“Oh, Ella ikaw pala. A-anong balita? Good news o bad news? Kung bad news, pwede ‘wag mo lang biglain? Medyo masama rin ang pakiramdam ko ngayon, eh. Sige ka, baka abutan pa ‘ko ng stroke ngayon dito.”

“Hindi, hindi, Ate. Good news naman po, kaya don’t worry. Hmm… slightly good.”

Ramdam kong good news iyon dahil nag-gi-giggles pa ang kapatid ko habang nagsasalita.

“Oh, siya sige. Shoot… baka ikabuti ng pakiramdam ko ‘yan.”

“Ate, magtatapos ako na Summa Cum Laude, at bukod dun kinukuha na ako nung pinapag-OJT-han ko at alam mo ang offer, Ate? Supervisor level agad! Manager pa nga raw dapat kaso kailangan ko raw munang daanan ang mas mababang posisyon bago ako ilagay sa mas mataas na admin level.”

Di pa man tapos magsalita ang kapatid ko ay, ayun, umandar na naman ang pagiging emosyonal ko. Naramdaman kong dumaloy na naman nang kusa pababa sa pisngi ko ang mga luha. Sobrang saya ko dahil ang pinagsumikapan ko sa loob ng ilang taon, hindi ibinasura ng kapatid ko. Lubos din ang pasasalamat ko sa magulang namin dahil nilagay nila sa tama ang pinaghihirapan ko.

“Ate Elaine, nandyan ka pa ba?”

“O… oo, Ella. Nakikinig ako.” Hindi ko mapigilang mapasigok dahil sa pagpupumilit na pigilin ang mapahagulgol sa saya.

“Umiiyak ka ba? Pasensya ka na, Ate. Dahil sa akin nagtitiis ka sa trabaho mo kahit malayo sa amin. Kahit isang buwan na lang na pagtitiis, Ate Elaine. Bubwelo lang ako sa papasukan ko, tapos ako naman ang sasagot sa inyo. Kahit di ka na magtrabaho sa ‘tin.”

“Wow, talaga ha? Pero hindi mo lang alam kung gaano mo ako pinasaya sa balita mong magtatapos ka, with honors pa. Sapat na iyon sa akin. Sapat nang alam kong may magandang kinabukasan ka nang naghihintay. Salamat sa ‘yo. Love you, sis.”

Sa gitna ng lungkot at hirap dito sa malayo, nagsisilbing tahanan ko yung kagustuhan kong mag-iba ang takbo ng buhay namin. Tuwing iniisip ko sila, ito ang nagbibigay ng dahilan sa ‘kin para magpatuloy.

Madalas, kahit hindi pala natin hilingin ang isang bagay, basta tama ang ginagawa, kusang ireregalo iyon ng Diyos sa tamang oras. Wala nang kinalaman kung masama o mabuti man ang kinakaharap ko araw-araw. Ang mahalaga ay kung paano ko dadalhin nang tama ang isang sitwasyon. Kung mabuti, titigil na ba ako sa pag-ahon at makukuntento na lang sa kung anong dumating? Kung masama naman, magpapaanod na lang ba ako hanggang sa mawalan ng direksyon sa buhay? Hindi ba dapat ay gawin ko iyong tungtungan at inspirasyon para lalong pagbutihan ang ginagawa ko upang maging maganda ang takbo ng aking buhay?

Malayo man ako sa lupang kinagisnan, bitbit ko naman ang mga payo ng magulang ko, kasama ang pananalig sa Diyos na nagsisilbing gabay ko sa oras ng matinding pag-iisa. Sabi nga nila, “Success is a journey, not a destination.” Hindi dapat tumigil ‘pag narating na ito. Para sa aking sarili at para sa mga mahal ko sa buhay, tiyak ko na ang dapat gawin. Ipagpapatuloy ko ang laban at isasabuhay ang tagumpay.

 

Copyright. aftermat. All rights reserved.

___________________________________________________________

ABOUT THE AUTHOR: Kuya Mat is the author of Seal of Light, a fantasy-adventure novel that is first published on Wattpad.
Advertisements

2 thoughts on “4 Thousand Miles by Aftermat”

  1. relate e..

    Like

  2. Buhay OFW nga naman.. masarpa pakingggan kumiikita ng dollars o ano man currency na iyan. minsan nakadismaya dahil akala namumulot ng pera ang ofw. Hindi nila alam nag abot na ang pawis at sipon paghanapbuhay o pagsumikap… KAHIT SAAA SULOK NG MUNDO MAY PINOY O PINAY..IBA TAYO EH.. MGA GRIMIS…like jila mga pinoy dahil masipag at matyaga ito at malinis at makapagtiwalaan..

    -related aya…buti nga sa dubai may ma sideline.. dito wala…

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s